Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs Mahindra
7 p.m. NLEX vs Rain or Shine
MAGBUBUKAS ngayon ang 2017 PBA Commissioner’s Cup at agad na sasalang ang nagtatanggol na kampeong Rain or Shine na sasagupa sa NLEX ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Unang magtutuos ganap na alas-4:15 ng hapon ang Meralco Bolts at Mahindra Floodbuster bago ito sundan ng tampok na salpukan sa ganap na alas-7 ng gabi sa pagitan ng Rain or Shine at NLEX.
Bagaman nagkampeon noong isang taon ay maikukunsiderang dehado ang Rain or Shine kontra NLEX dahil nasa kampo na ng Road Warriors ang dating coach ng Elasto Painters na si Yeng Guiao at dating import na si Wayne Chism.
Maglalaro naman para sa Elasto Painters si Shawn Taggart na lumipat matapos bitawan ng Globalport Batang Pier.
Ipaparada naman ng Mahindra ang dating import nito na si James White habang isasalang ng Meralco ang beterano sa mga internasyonal na liga na si Alex Stepheson.
Aminado si Rain or Shine coach Caloy Garcia na agad magiging matinding pagsubok ang laban nila sa NLEX. Tinalo ng Elasto Painters ang Road Warriors sa unang laro ni Guiao laban sa dati niyang koponan sa Philippine Cup elimination round noong Disyembre 23, 107-97. Pero hindi ito maaaring basehan ni Garcia dahil malaking “factor” ngayon ang kani-kanilang mga import.
“I know coach Yeng brought in Wayne in to quicken the progress of their team so I think they will be a better team this conference,” sabi ni Garcia. “I feel that both teams are gonna come out strong. But it will boil down to execution.”
Trabaho lamang naman muli si Guiao sa pagsagupa sa matagal nitong naging koponan. Hindi matatawaran ang naging samahan ni Guiao at Elasto Painters na siya nitong nais ituro at gawing disiplina sa Road Warriors sa pagsagupa sa dati niyang koponan.
“NLEX is a work in progress while Rain or Shine is still a force to reckon with. We will however take on the challenge to compete with the proven contenders. I consider them our competitors even if we’ve had a deep friendships with the players’ management and coaching staff,” sabi ni Guiao. “It is now my responsibility to find way for NLEX to win against my former team.”
Matatandaan na ikalawang puwesto lamang ang inokupa ng Elasto Painters sa All-Filipino conference habang kulelat naman ang Road Warriors. Ang Mahindra ay ika-10th at ika-11 ang Meralco.