DEAR Aksyon Line,
Ako po ay masugid na nagbabasa ng in-yong pahayagan. Ako po si Grace Reyes at nagtatrabaho sa isang computer shop dito po sa Imus, Cavite. Ang gusto ko po na ihingi ng tulong ay ang aking kapatid na nagtatrabhaho ngayon sa Samar bilang isang katulong. Minsan po ay tumawag ang kapatid ko na umiiyak dahil sinabi raw po niya sa kanyang amo na sana ay maipasok na siya sa SSS bilang miyembro lalo na nang mabalitaan na ang lahat ng mga katulong ay pwede na ring maging SSS member.
Noong sabihin po niya ito sa kanyang amo ay isinagot lamang daw ay hindi nito kayang maghulog ng SSS para sa sa kapatid ko dahil ang pampasweldo nga raw dito ay kinakapos pa. Labis po na nalungkot ang kapatid ko lalo pa’t may anak siya sa pagkadalaga na nasa magulang namin ngayon.
Ano po ba ang maipapayo ninyo para sa kapatid ko? At gusto ko rin po na humingi ng payo dahil magdadalawang taon na po ako sa pinangtatrabahuhan ko pero wala pa po akong SSS. Sana ay matulungan ninyo ako sa aking problema.
REPLY: Ito po ay ukol sa sulat na ipinadala ng isang letter sender na may kapatid na kasambahay na hindi
ipinaghuhulog ng contributions sa SSS.
Pinapayuhan namin siyang magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS para mag-file ng pormal na reklamo laban sa kanyang employer. Sa ganitong paraan ay mapupuntahan ng account officer ng SSS and kanyang employer at ipapaliwanag sa kanya ang mga probisyon ng Kasambahay Law.
Sa ilalim kasi ng batas, ang mga employer na hindi nagre-report ng kanilang mga empleyado, kasama ang mga kasambahay at hindi nagbabayad ng contributions para sa kanila ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong maliban pa sa pagbabayad ng fine at ang mga contributions na dapat na maibayad para sa mga empleyado.
Sana po ay nabigyan namin ng linaw ang katanungan ng ating letter sender.
Sumasainyo,
MAY ROSE DL FRANCISCO
SOCIAL SECURITY OFFICER IV
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag-
lingkuran sa abot ng
aming makakaya. Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City. Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jbilog@bandera.ph. Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!