SA mga senador at kongresista na ang pamilya ay nagmamay-ari ng mining companies at kaibigan ng mga miners: mahiya-hiya naman kayong maghusga kay Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez!
Dapat mag-inhibit kayo sa deliberations sa Commission on Appointments (CA) sa confirmation ni Gina bilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Digong.
Nakakasukang panoorin ang mga “kagalang-galang” na mga mambabatas na pinahihirapan si Gina sa CA gayong dahil pinoprotektahan niya ang kalikasan sa mga miners.
***
Mabuti naman at pinanigan ni Pangulong Digong si Gina Lopez sa kritiko nito tungkol sa mining.
Sinabi ng Presidente na baka magkaroon ng total mining ban sa bansa.
Alam ni Mano Digong ang sira na ginagawa ng mga minahan, lalo na yung nasa watershed areas, sa kalikasan.
Isang halimbawa ay ang Marcopper na lumason sa mga ilog ng Marinduque dahil sa pagmimina ng ginto.
Hindi na puwedeng lumangoy o umigib ng tubig sa mga ilog ng Marinduque.
May kasabihan na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?
Bakit natin pipiliin ang malaking pera na kinikita sa mining kung patay naman ang ating kabundukan at mga ilog?
***
Lulan ng isang helicopter galing ng Davao City patungo sa aking hometown sa Manay, Davao Oriental, nakita ko ang pagsisira ng kabundukan ng Davao del Norte at Compostela Valley ng isang minahan.
Sa ibabaw ng bundok ay may isang mining site. Nakalbo ang bundok dahil ang mga punongkahoy ay pinutol upang bigyan daan ang liku-likong kalsada patungong mine site. Sa mine site mismo, nahawan ang mga punongkahoy.
Itinuro ang mine site sa akin ng piloto ng helicopter.
Sinabi ng piloto na pag-aari ni Manny Pacquiao ang mine site.
***
Dapat papurihan ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkakahuli ng mga giant pearls ng Palawan na ipinagbibili sana ng P97 milyon.
Ang mga perlas na nahuli ay ating national treasure.
Pangalagaan natin ang ating mga national treasures gaya ng mga pearls sa Palawan.
***
Pinanukala ni Speaker Pantaleon Alvarez na lagyan ng buwis ang mga kinikita ng mga religious groups, gaya ng Simbahang Katolika, na hindi konektado sa religious activities.
Maraming religious groups na nagmamay-ari ng paaralan at ibang negosyo gaya ng bangko.
Karamihan ng mga eskuwelahan at ospital ng pinatatakbo ng Simbahang Katolika ay hindi para sa mahihirap.
Marami sa mga ito ay mahal ang bayad pero hindi sila nagbabayad ng buwis.
Bakit sila tax-exempt samantalang hindi naman pagpapakalat sa Salita ng Diyos ang ginagawa nila?
***
Maraming taon na ang nakalipas nang may dinala akong isang hit-and-run victim sa San Juan de Dios Hospital sa Roxas Blvd., Pasay City.
Ang ospital ay pag-aari ng isang Catholic religious congregation.
Nagkataon lang na nadaanan ko ang hit-and-run victim sa Roxas Boulevard at dali-dali kong dinala sa nasabing ospital.
Taong kalye ang dinala ko sa ospital.
Sinisingil ako ng malaki upang tanggapin nila ang pasyente.
Napilitan akong dalhin siya sa Philippine General Hospital.
***
Tama si Sen. Tito Sotto: Lima sa sampung driver sa lansangan ay “estupido.”
Pero anong ahensiya ng gobiyerno ang pumayag na makapagmaneho ang mga estupidong drayber.
Eh, di ang Land Transportation Office (LTO).
Kung walang mga corrupt ng LTO officials and employees ay walang stupid drivers.