Ateneo, UST magtatapat sa UAAP women’s volley

Mga Laro Ngayon (Filoil Flying V Centre)
8 a.m. UE vs UST (men)
10 a.m. Adamson vs NU (men)
2 p.m. UP vs UE (women)
4 p.m. Ateneo vs UST (women)
ISANG higanteng pagtatagpo ang magaganap sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Ganap na alas-4 ng hapon ay magsasagupa ang nangungunang Ateneo Lady Eagles, na may 7-1 panalo-talong kartada, at ang pumapangatlong University of Santo Tomas Tigresses na may 5-3 record.
Bitbit ng Ateneo ang anim na diretsong pagwawagi pero nanganganib na mapatid ang win streak na ito dahil nag-iinit din ang UST sa torneyo matapos matalo ng tatlong ulit sa unang apat na laro nito sa torneyo.

Bago ang labang ito ay maghaharap muna ang naghihingalong University of the East (1-7) at University of the Philippines na matapos ang 4-0 start ay natalo ng limang sunod sa torneyo.
Puntirya ng Ateneo na makapasok sa Final Four ng women’s volleyball sa ikawalong sunod na pagkakataon na ikinatutuwa ng coaching staff.
“Team effort ang nangyayari,” sabi ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses. “Mataas ang confidence ngayon ng mga bata. Kapag naglalaro, parang walang standing ang iniisip ng mga bata.”
Sa una nilang pagkikita sa unang round ay tinalo ng Ateneo ang UST, 20-25, 21-25, 22-25 pero malaki na ang ipinagbago ng koponang iyon ng UST sa ngayon.

“Nagbubunga na ang mga pinaghihirapan namin. Yung pagiging optimistic namin, nagiging reality na,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes. —Angelito Oredo

Read more...