Ibinayad ng terminal fees ng OFW saan mapupunta?

HINDI na magbabayad ng terminal fee ang ating mga OFW.

Magandang balita ito.

May dalawang taon ding pinagtalunan ang usapin ng sapilitang pagpapabayad sa mga OFW ng terminal fee sa ating mga paliparan at awtomatikong nakapaloob na ito sa kanilang mga airline tickets.

Ayon mismo kay General Manager Ed Monreal ng Manila International Airport Authority (MIAA), simula sa susunod na buwan, hindi na nga pagbabayarin ng P550 na terminal fee ang ating mga OFW.

Makikipagpulong si Monreal sa kinatawan ng mga airline company upang mapirmahan na ang Memorandum of Agreement o MOA na tanggalin na ang terminal fee sa pamasahe o airline tickets ng mga OFW matapos itong ipatupad noong nakaraang administrasyon.

Matatandaang nagkaroon pa ng maraming mga kilos protesta sa hanay ng mga OFW kasama na ang iba’t-ibang mga grupo at organisas-yon na hayagang tinutulan ang naturang implementasyon dahil labag iyon sa batas. Exempted ang mga OFW sa pagbabayad ng terminal fees sa mga paliparan.

Simula nang ipatupad iyon noong taong 2015, tinatayang nasa P1.5 bilyon na ang hindi pa naisosoling terminal fees na binayaran ng mga OFW.

Hindi na rin kasi binawi ang naturang patakaran at binigyan na lamang ng instruksyon ang mga OFW na puwede naman nilang e-refund o maisoli sa kanilang ang naturang kabayaran.

Pero hindi iyon ganoon kadali. Ayon sa marami nating OFW, labis na abala ang dulot nang pagpapa-refund nito kung kaya’t hinayaan na lamang nila.

Ang iba’y nakalimutan na rin na mayroon pa pala silang babawiin mula sa pamahalaan hinggil nga sa sapilitang pagpapabayad ng kanilang terminal fee.

Ngunit nitong unang Linggo ng Marso, hiniling ng Department of Labor and Employment o DOLE na i-remit na lamang ‘anya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Overseas Workers’ Welfare Administration o OWWA ang naturang unclaimed travel tax at terminal fees ng mga OFW.

Kung walang magi-ging problema at kung ganoon din lang kadali ang paglilipat ng naturang pondo, tiyak ang susunod na tanong diyan ng mga OFW: Saan naman ‘anya nila gagamitin ang naturang halaga?

Kung para sa programa at kapakanan ng mga OFW, anong espesipikong mga programa iyon.

Dahil noong nakaraang budget hearing sa Kongreso, mismong si OWWA Administrator Leo Cacdac ang nagsabing malaking halaga ng budget ang na-aprubahan para sa OWWA na siyang tutugon sa direktang serbisyo para sa ating mga OFW.

Kami rin sa Bantay OCW, mag-aabang kung matutuloy nga ba ng lipatan ng nasabing pondo, at kung saan ito gagamitin.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...