NOONG Lunes ay nagulat ang mga motorcycle rider na bumibiyahe sa Gen. Luna st., sa bahagi ng Brgy. Maly sa San Mateo, Rizal.
Maraming traffic enforcer sa lugar at kanilang pinapara at hinuhuli ang mga naka-motorsiklo na walang helmet.
May dala silang mga paniket at sa maikling panahon na nakatingin ako sa kanila ay mukhang wala silang pinaliligtas.
Pinatatabi ang mga walang helmet upang tikitan. Ang mga nakadidiretso lamang sa kanilang biyahe ay yung mga hindi nakitaan ng traffic violation.
Matagal nang nakapaskil ang mga poster na nagsasabi na dapat naka-helmet kapag nakamotorsiklo. At tama naman ito.
Sa dami ng hindi sumusunod sa panuntunang ito ay tiyak na tataas ang koleksiyon ng bayan ng San Mateo sa traffic violation kung magiging mahigpit sa pagpapatupad nito.
At kung liliit na naman ang koleksyon dahil konti na lamang ang lumalabag sa batas, eh ayos lang naman, di ba?
***
Hindi maikakaila na mahirap magkabahay sa Pilipinas.
Sa totoo lang, marami ang gumagawa ng bahay— karpintero, mason, at kung ano-ano pa — na wala ring sariling bahay.
Minsan nga kahit na engineer na o architect ay wala ring sariling bahay.
Sila yung mga pinapasuweldo ng arawan at nakalista lamang sa papel kung magkano ang kanilang maiuuwi.
Hindi rin sila nagbabayad ng buwis at walang mga kaltas gaya ng Social Security System o PhilHealth.
Kalimitan ay wala rin silang mga government ID, kaya papaano nga naman sila pupunta sa ahensya ng gobyerno o sa bangko para mangutang at magkaroon ng bahay na nasa kanilang pangalan.
At dahil ipinapatawag lang naman sila kapag may magpapagawa, hindi sigurado ang kanilang buwanang kita.
At magkakaiba rin ang halaga— minsan pakyaw, minsan arawan.
Wala ring kasiguruhan kung hanggang kailan sila may kikitain. Kaya naman marami sa kanila ay nababaon sa utang sa tindahan at hindi pa nakukuha ang sahod ay ubos na o kulang pa sa dami ng kailangang bayaran.
Papaano mo naman sila maasahan na magkaroon ng sarili nilang bahay— yung bahay na sa kanila ang lupa at hindi nagtayo lang sa lupa ng may lupa?
Marami sa kanila nasa squatter nakatira. Nakakapagtayo sila ng bahay gamit ang tagni-tagning kahoy at yero.
Mayroon silang kakayanan na magtayo ng bahay, pero wala silang panggastos para rito.
Kung merong Work for Food program, bakit hindi magkaroon ng Work for House. Yung mag-anak na gustong magkabahay ang magtutulong-tulong para maitayo yung bahay nila.
Yung materyales at lupa, gobyerno ang bahala. Pwede naman na kunin ng gobyerno ang kanilang serbisyo sa ibang proyektong ginagawa at ikaltas nang paunti-unti yung ginastos sa materyales at lupa.
Maraming mga panukala sa Kongreso na kailangan lang pagtuunan ng pansin bukod sa droga para dumami ang mga taong may sariling bahay.