PARARANGALAN ang mga Elorde Hall of Fame honorees na sina Sen. Emmanuel Pacquiao at Donnie Nietes ng Award of Distinction samantalang salu-salo ang tatlong propesyunal na boksingero sa Boxer of the Year award sa 17th Gabriel “Flash” Elorde, Sr. Boxing Memorial Awards and Banquet of Champions sa Marso 25 sa The Tent ng Manila Hotel sa Maynila.
Igagawad ang karangalan kina Pacquiao, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) welterweight champion, at Nietes, ang WBO lightweight champion, dahil sa patuloy na pagiging world champion sa kabila na mga nailuklok na sila sa Elorde Hall of Fame.
Iniupo si Pacquiao sa Elorde Hall of Fame noong 2012 nang magwagi ng pitong world title sa loob ng 10-taon na kampanya sapul pa noong 2000 hanggang sa nagdaang taon.
Matatandaan na sa pagtatapos ng 2010 tumanggap siya ng Boxer of the Decade award mula sa WBO, IBF, World Boxing Council at International Boxing Organization gayundin buhat sa Boxing Writers of America at Yahoo, ESPN at The Ring Magazine.
Nag-world champion ang 34-anyos na si Nietes, sa tatlong dibisyon — minimumweight, light flyweight at superflyweight — at nakipkip ang mga titulo nang ilang ulit laban sa mga tigasing mga karibal sa bawat dibisyon ng ilang taon umpisa sa 2007 at nahanay sa Elorde Hall of Fame noong 2015.
Pinagkakaloob ang Award of Distinction, isa sa major awards ng Elorde Awards Night, sa Filipino boxer na mga naisama na sa Elorde Hall of Fame at nag-world champion para sa seven consecutive years, pumantay sa nagawa ni Da Flash (Elorde), dagdag pa ang pagbilang sa International at World Boxing Hall of Fame sanhi sa pagiging undefeated world junior lightweight champion ng pitong dikit na taon o noong 1960 -67.
Main award ng Elorde rites, na nagsisilbi ring 82nd birth anniversary ni Elorde, ang Boxer of the Year award para sa 2016 world champions — kina IBF world flyweight champion Johnriel Casimero, IBF world superflyweight titleholder Jerwin Ancajas at WBO world bantamweight king Marlon Tapales.
Ang isa pang major highlight sa Elorde Awards, na hinahatid ng Elorde family sa pangunguna ng asawa ni Da Flash na si Laura, ang pagsasama-sama ng kamao ng mga nabubuhay pang kasalukuyan at dating Filipino world champions. Bubuo sila sa koleksyon ng mga alaala ng mga bantog na dakilang Pinoy.
Mangunguna sa mga boksingero si Pacquiao na isasaimortalidad ang kamao kasama sina dating WBO bantamweight titlist Gerry Penalosa, former WBC lightweight champion Rolando Pascua, ex-IBF world super flyweight titleholder Tacy Macalos at former IBF world flyweight king Dodie Boy Penalosa.
Kikilalanin din ang 11 Philippine champions sa Class 2016 pati ang mga regional at international champions ng major boxing organizations sa 11 divisions sa nakalipas na taon sa Awards Night.
May special citations bilang best promoter si Jim Claude Manangquil, best referee si Danrex Tapdasan, best trainer si Jhun Agrabio, most promising boxer si Aston Palicte at ang best fight of the year nina Kenny Demecillo at Rambo Lagos.
Iniisponsoran ang Banquet of Champions ng Cobra, Hapee Toothpaste, Elorde Boxing Gyms, Contour Rehabilitation & Wellness , Elorde Sports Center, Southpaw Bar & Grill, Philippine Amusements & Gaming Corporation (PAGCOR), Cast & Frame at Bai & Mig Party Favors.