Noven Belleza dumaan sa butas ng karayom bago nagtagumpay

noven-tawag

SA kahit anong uri ng kumpetisyon, pagandahan man ‘yun o pagpapakita ng talento, ay palaging may magkakaibang minamanok ang manonood. Natural lang ‘yun.

Ang maganda para sa iba ay puwedeng hindi sa panlasa ng ibang miron, du’n nagkakaroon ng manok-manok system, nauuwi pa nga ‘yun sa pag-aargumento na humahantong sa away.

Si Noven Belleza ng Negros Occidental ang tinanghal na pinakaunang kampeon ng Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime, nakuha niya ang boto hindi lang ng mga hurado, binigyan din siya ng standing ovation ng audience habang kinakanta niya ang medley ng Air Supply.

Napakataas ng nakuha niyang score mula sa mga judges at text votes, 99.96%, milya-milya ang layo sa pumangalawa at pumangatlo sa kanya.

Malaking dagdag na simpatya para kay Noven Belleza ang payak na buhay ng kanilang pamilya. Nakakaantig ang kanyang rebelasyon na kung minsan ay nagtatanong siya, bakit libro ang hawak ng kanyang mga kaibigan, samantalang siya ay araro?

Pero hindi naging hadlang ang kahirapan para sa katuparan ng mga pangarap ng anak ng Negros, dumaan siya sa butas ng karayom pero nanindigan siya, gagawin niya ang lahat-lahat para mabigyan ng bagong hugis ang kundisyon ng kanyang pamilya.

Sa tinanggap niyang premyong dalawang milyong piso, bahay at lote mula sa Camella Homes ng mga Villar at iba pang mga gantimpala sa pagiging unang kampeon niya ng TNT, ay isa-isa nang mabubuo ni Noven Belleza ang kanyang mga pangarap.

Matutubos na niya ang nakasanglang lupa ng kanilang pamilya, makapag-aaral na uli siya, isang buhay na naman ang binago ng mabait na kapalaran.

Maligayang bati kay Noven Belleza!

Read more...