NAPAKO na ang katarungang ipinangako ni Pangulong Duterte sa mga naulila ng 44 commando ng Special Action Force (SAF) na nasawi sa Mamasapano encounter noong Enero 25, 2015.
Nakapagtataka na bago isiwalat ni Duterte na wala na siyang balak lumikha ng truth commission para alamin kung sino ang dapat managot sa pagkamatay ng mga pulis ay rumepeke pa ang bibig niya kontra kay dating pangulong Noynoy Aquino at idiinin ito na siyang may pakana sa pagsuga sa “kuta ng mga leon” sa mga SAF operatives.
Naganap iyon sa pagtitipon sa Malacanang para alalahanin ang ikalawang anibersayo ng masaker kung saan dumalo ang mga naulila ng mga napatay na pulis kaya maraming saksi kung paano niya kastiguhin si Aquino sa pagtatago ng ilang aspeto ng operasyon, kabilang ang pakikipagsabwatan umano nito sa Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika.
Tandang-tanda pa ng mga naulila ang naging hamon ni Digong kay ex-PNoy: “Sinabi mo, pawis na pawis ka sa TV and you were so stressed and you said, ‘kasalanan ko ‘yan.’ But it is not enough. Sabihin mo sa mga Pilipino, sabihin mo sa akin kung paano ka nagkasala? At anong ginawa ninyo bakit you fed the soldiers to the lion’s den, to be eaten to death?”
Sa gitna ng kanyang panggagalaiti ay pinagbanduhan ni Duterte na lilikha siya ng seven-man commission na hihimay sa imbestigasyon na isinagawa ng Kamara, Senado at Office of the President ukol sa insidente. Bubuuin daw ito ng mga taong may integridad at honor–tatlong justices at mga sibilyan. Idinagdag niya na pag-aaralan din kung mabibigyan ng medal of valor ang mga nasawi.
Ngayon, ang tanong ng mga naulila ng SAF 44 ay “Anyare, mahal na Pangulo?”
Totoo ba na kaya lumambot ang paninindigan ni Duterte sa pangyayari ay dahil sa ipinadalang text message sa kanya ng dating presidential sister at showbiz personality na si Kris Aquino?
Sa bibig na rin mismo ni Duterte nanggaling na nagmakaawa si Kris sa kanya na huwag ipakulong ang kapatid nito kaugnay sa masaker.
Kung ito ang talagang dahilan ng pagbabago ng desisyon ng Pangulo, mapapaisip ka tuloy kung ano ang ipinakain sa kanya ng utol ni Pnoy o kung may alas ba itong hawak labam sa kanya o kung may usapan ang kampo ng Liberal Party at siya.
Hindi kasi bilib ang publiko sa rason niya na kaya binago niya ang desisyon ukol sa truth commission ay dahil may nakabinbing kaso sa Ombudsman at ayaw niyang magkaroon ng kaaway kaya hihintayin na lamang niya ang desisyon ng anti-graft investigating body.
PS.
Para kay Kris: Hindi cute ang ginagawa mong pagpapa-charming kay Digong. Patronage politics tawag diyan. Yung kakarinyuhin mo those people in power using your celebrity and/or political status para mapatawad ang mga kamag-anak o kaibigan mong may kasalanan. Akala ko ba, you’re beyond that? Isa pa, kung naniniwala kang walang kasalanan ang kapatid mo, pabayaan mo ang korte na magdesisyon. Hindi naman ang Pangulo ang maninimbang kung gulity o inosente si Noy, di ba?