Bus sinunog ng mga umano’y NPA sa North Cotabato

npa

SINUNOG ng mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang pampasaherong bus sa Makilala, North Cotabato, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Supt. Roneo Galgo, spokesperson ng Central Mindanao police na pinara ng mga suspek ang Yellow Bus na papuntang Davao City sa Barangay San Vicente, Makilala ganap na alas-8:30 ng umaga noong Lunes.
Idinagdag ni Galgo na batay sa ulat mula sa North Cotabato police na sumakay ang mga armadong kalalakihan sa bus na may sakay na isang dosenang pasahero at dinala sa isang liblib na lugar kung saan binuhusan ng gasolina ang sasakyan bago sinunog.
Hindi naman nasaktan ang driver at mga pasahero.
Sinabi ni Galgo na kabilang ang mga suspek sa NPA Guerrilla Front 72 na nagsasagawa ng operasyon sa Makilala at Bansalan sa Davao del Sur.
Nangyari ang pag-atake limang araw matapos patayin ng mga rebeldeng NPA ang apat na pulis sa isinagawang pananambang sa Bansalan.

Read more...