“SILENCE is the best revenge.” Ito marahil ang ginawa ni Vice Ganda sa mga patutsada ni Nora Aunor.
Ayon kasi sa Superstar kaya hindi siya tumuloy sa kanyang guesting sa Tawag Ng Tanghalan grand finals noong Sabado na ginanap sa Resorts World ay dahil ayaw sa kanya ng main host ng It’s Showtime.
Sinabi ni Nora, na produkto rin ng Tawag Ng Tanghalan singing search noong 1967 ay binabastos daw kasi siya ni Vice sa programa nito kaya ayaw na niya itong maulit pa.
“Nag-back out ako dahil hindi ko kaya si Vice Ganda. Hindi kaya ng puso ko ang pambabastos na ginawa sa akin ni Vice Ganda. ‘Yung usual na ginagawa niya na magsasalita siya pero may pinatatamaan,” ang pahayag ni Ate Guy sa panayam ng a-ting katotong si Mercy Lejarde.
Mas pinili ng veteran actress na mag-guest sa Eat Bulaga kesa sa noontime show ng ABS-CBN na sa paniniwala ng ilang netizens ay naunang inoohan ng Superstar pero bigla ngang nag-backout nang maipit na sa kanyang kompromiso sa Eat Bulaga.
Bago naman nagsimula ang It’s Showtime noong Sabado ay tinext namin si Vice para hingan ng komento, pero hindi siya sumagot kaya naisip namin na mas ginusto nitong tumahimik na lang at huwag nang patulan si Nora bilang respeto sa Superstar.
Marahil ay naisip din ni Vice na mas maraming importanteng bagay na dapat pag-usapan kaysa sa mga patutsadang hindi naman ikauunlad ng isang tao o ng bansang Pilipinas. At ayaw na rin sigurong palakihin ng TV host-comedian ang issue para hindi na lumaki pa.
At baka naisip din ni Vice na talo siya kapag pinatulan niya ang mas nakatatanda sa kanya. Alam n’yo naman sa kultura natin kahit nasa tama ka pa, basta pumatol ka sa matanda, ikaw pa rin ang lalabas na masama. Pwede rin namang pinagsabihan ng management si Vice na dedmahin na lang si Ate Guy.
Kaya tama, silence is the best revenge, ika nga ni Vina Morales nang tanu-ngin din siya kung anong reaksyon niya sa mga taong nang-iintriga at naninira sa kanya.
Anyway, natatawa naman kami sa mga reaksyon ng netizens nang matalo si Ate Guy sa “Jack en Poy” game ng Eat Bulaga.
“Dapat sa TNT na lang siya sumipot bilang hurado, nandoon pa ang ibang winners noon ng TNT,” ayon sa isang nagkomento sa social media.
Sabi naman ng isa pang netizen, “Mas gusto daw niyang makipag-jack en poy sa mga taga-Eat Bulaga, kesa maging hurado sa TNT.”