Relasyong Bea-Gerald buking na buking kahit di na umamin

bea alonzo at gerald anderson

HINDI  pa diretsong umaamin sina Gerald Anderson at Bea Alonzo tungkol sa kanilang relasyon. Parang nagdu-duet ang dalawa kapag natatanong sa pagsagot na pareho raw kasi silang busy sa kanilang trabaho.

Pero siyempre’y alam na natin ang totoo, magkarelasyon na sila, humuhugot na sila ng inspirasyon sa isa’t isa. Alam na natin na hindi pa lang sila umaamin pero totoong sila na.

At wala namang mali kung magmahalan man sila dahil pareho na silang malaya. Dalawang puso sila ngayon na naggagamutan ng sakit na inabot nila sa nakaraang pakikipagrelasyon.

Si Gerald mula kay Maja Salvador at si Bea naman mula sa hiwalayan nila ni Zanjoe Marudo. Sa dalawang relasyon ay ang kina Bea at Zanjoe ang ikinabigla at pinanghihinayangan ng marami.

Marami kasing umasa na sa altar na hahantong ang kanilang pagmamahalan pero wala ngang ibinibigay na garantiya ang panahon. Sa hiwalayan din ‘yun nauwi.

Malaki ang pagkakahawig ni Bela Padilla kay Bea. Sa mga romantiko nilang tagpo ni Zanjoe Marudo sa seryeng My Dear Heart ay si Bea kaya ang nakikita ng aktor habang katitigan-kayakapan nito ang aktres?

Napansin namin sa madalas na pagtutok sa serye na magaling nang umarte si Zanjoe. Maemosyon na.

Si Bea Alonzo naman ay hinog na sa pag-arte, kahit anong papel ang ipagkatiwala sa kanya ay naitatawid ng aktres na mahal na mahal ng mga camera sa sobrang ganda, kaya maraming kinikilig sa kanila ni Ian Veneracion sa A Love To Last.

Tuluy-tuloy lang ang pagririgodon ng lovelife ng maraming personalidad. Matira ang matibay. Sumusugal sila sa pakikipagrelasyon.

Read more...