Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 a.m. UE vs Adamson (men)
10 a.m. NU vs UST (men)
2 p.m. UST vs UE (women)
4 p.m. Ateneo vs UP (women)
IKAAPAT na sunod na panalo ang asam ng University of Santo Tomas Tigresses habang ikaanim na diretsong pagwawagi naman ang hangad ng Ateneo de Manila University Lady Eagles sa pagsagupa sa University of the East Lady Warriors at University of the Philippines Lady Maroons sa eliminasyon ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Una munang magsasagupa sa men’s division ganap na alas-8 ng umaga ang UE Red Warriors (0-7) at Adamson University Falcons (2-5) bago sundan ng alas-10 ng umaga na salpukan ng National University Bulldogs (6-1) at UST Tigers (3-4).
Agad itong susundan ng alas-2 ng hapon na sagupaan sa pagitan ng nag-iinit na UST Tigresses at UE Lady Warriors bago ang tampok na salpukan ng nangungunang Ateneo Lady Eagles at UP Lady Maroons sa ganap na alas-4 ng hapon.
Huling tinalo ng Tigresses ang karibal sa pinakamaraming nauwing titulo sa women’s volleyball na Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-16, 21-25, 26-24, 25-20, upang makisalo sa ikaapat na puwesto sa kabuuang 4-3 panalo-talong kartada kasalo ang UP Lady Maroons.
Gayunman, inaasahang makakalasap ng matinding hamon ang Tigresses sa pagsagupa nito sa Lady Warriors na natikman ang kanilang unang panalo sa pagpapatikim ng kabiguan sa Adamson Lady Falcons, 25-22, 20-25, 25-17 at 25-18 upang panatiliing buhay ang pag-asa sa pinag-aagawang silya sa Final Four.
Huli naman binigo ng Ateneo Lady Eagles ang karibal na nagtatanggol na kampeon na De La Salle Lady Spikers sa loob ng apat na set, 1-3, sa mga iskor na 26-24, 26-24, 21-25 at 25-17, upang solohin ang pagkapit sa liderato sa kabuuan na 6-1 karta.
Inaasahan na sasandigan ng Lady Eagles ang maigting na panalo sa pagsagupa nito sa Lady Maroons na matapos magwagi ng record nitong apat na sunod ay nakalasap ng tatlong dikit na kabiguan dagdag pa ang natamo na mga injury sa mga manlalaro na sina Nicole Tiamzon at Princess Gaiser.
Hindi na makakapaglaro sa kanyang huling taon sa liga at natitirang mga laban ng UP ang libero na si Gaiser dahil sa natamo nitong anterior cruciate ligament (ACL) tear.
Si Tiamzon ay nagpapagaling naman sa kanyang natamo na ankle injury sa laban kontra NU Lady Bulldogs sa loob ng limang sets, 2-3, sa mga iskor na 23-25, 17-25, 25-22, 25-18 at 12-15.