PBA Commissioner’s Cup aarangkada sa Marso 17

HINDI pa man lubusang natatapos ang pagdadalamhati ng mga natalong Barangay Ginebra fans at ang pagpupunyagi ng nagkampeon sa 2017 Philippine Cup na San Miguel Beermen ay kailangan na nilang paghandaan ang ikalawang conference ng 2016-17 PBA season na magsisimula sa susunod na Biyernes, Marso 17.

Tinalo ng San Miguel Beer ang Barangay Ginebra, 4-2, sa Philippine Cup Finals na nagtapos nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum at para mabigyan sila ng sapat na panahon para makapagpahinga at makapaghanda ay hindi muna sila maglalaro sa unang dalawang linggo ng PBA Commissioner’s Cup.

Sa opening day ng torneo ay agad na sisimulan ng Rain or Shine ang pagdedepensa sa titulo sa pagsagupa nito sa NLEX umpisa alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum. Pero ang coach na naghatid sa Elasto Painters sa kampeonato noong isang taon na si Yeng Guiao ay head coach na ngayon ng makakasagupang NLEX.
Sa unang laro naman ay maghaharap ang Mahindra at Meralco ganap na alas-4:15 ng hapon.

Kinabukasan, Sabado, ay magkakaroon muli ng doubleheader ang PBA kung saan magsasagupa ang Phoenix Petroleum at Blackwater alas-3 ng hapon at ang Alaska at Globalport alas-5 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Balik Araneta Coliseum ang liga sa Linggo, Marso 19, kung saan sasalang agad ng ikalawa nilang laban ang apat na koponan na naglaro sa opening day.

Pero Rain or Shine at Mahindra ang maglalaban sa unang laro at sa main game naman ang Meralco at NLEX.

Ipaparada ng Elasto Painters bilang import si Shawn Taggart, na naglaro sa Batang Pier noong isang taon, kontra Road Warriors na isasalang ang dati ring import na si Wayne Chism.

Makikilatis naman ang mga Amerikano na sina international campaigner Alex Stepheson ng Meralco at naglaro nitong nakaraang Governors’ Cup na si James White ng Mahindra.

Ang iba pang imports ay sina Tony Mitchell ng Star, Denzel Bowles ng TNT KaTropa, Charles Rhodes ng San Miguel Beer at Justin Brownlee ng Barangay Ginebra.

Read more...