Bagong Philhealth chief, doktor ng mahihirap

IPINANGAKO ni Alex Wongchuking, president at chief executive officer o CEO ng Mighty Corp., na babayaran niya ang lahat ng pagkukulang niya sa gobiyerno.

“Mon, nagpapasalamat ako kay President Duterte na binigyan niya kami ng pagkakataon na bumawi sa gobiyerno,” sinabi ni Wongchuking sa inyong lingkod.

Binalaan ni Presidente ang Mighty Corp., tagapaggawa ng Mighty cigarettes, na bayaran ng kumpanya ang gobiyerno ng P3 bilyon sa pagkakautang ng buwis, kasama na ang mga penalties.

“Magbayad kayo ng doble at kakalimutan ko (ang iyong tax deficiency),” sinabihan ni Presidente si Wongchuking.

Nagkakautang ang Mighty sa gobiyerno ng P1.5 bilyon sa buwis.

***

Yamang pinaguusapan natin ang mga tax evaders, ang next target ay maaaring isang malaking negosyanteng Tsinoy na nagkakautang sa gobiyerno ng bilyon-bilyong piso sa buwis.

Maaaring 10 beses na mas malaki ang pagkakautang ng tycoon kesa kay Wongchuking.

Kapag nabasa ito ni Pangulong Digong malamang ay maalala niya.

Binanggit ni Presidente sa inyong lingkod ang pangalan ng tycoon nang siya at ang inyong lingkod ay nagkausap sa kanyang bahay sa Davao City mga dalawang linggo bago siya naluklok bilang Pangulo ng bansa sa Malakanyang.

Sinabi ni Mano Digong na nagtangkang magbigay ng malaking halaga ang negosyante sa kanya para sa kanyang campaign fund, pero tinanggihan niya ito.

Ayaw daw ni Pangulo na magkautang na loob siya sa Tsinoy dahil sisingilin daw ng gobiyerno ito kapag siya’y naluklok.

Pero hanggang ngayon, maraming buwan na ang lumipas matapos siya’y nanumpa bilang Presidente, hindi pa rin sinisingil ng gobiyerno ang tycoon.

Bakit kaya?

Sa pagkakaalam ng inyong lingkod, walang sinasanto sa administrasyon ni Pangulong Digong.

***

Ang bagong president at CEO ng Philhealth ay masasabing doktor ng mahihirap, si Hildegardes “Heal” Dineros.

Si Dineros, na isa sa mangilan-ngilang bariatric surgeons sa bansa, ay mahilig mag-volunteer sa mga medical and mercy missions bago siya nahirang na pinuno ng Philhealth.

Makailang beses siyang nagsagawa ng medical and mercy missions sa Tacloban City at iba pang mga lugar na sinalanta ng Supertyphoon Yolanda.

Hindi lang siya nagbo-volunteer sa mga medical missions, may pagkakataon na pinamumunuan niya ang mga medical missions na sinasalihan ng mga American doctors sa mga liblib na lugar sa bansa.

Gumawa na siya ng operasyon sa mga may kapansanan sa katawan gaya ng harelip at hernia at sa mga maseselan na sakit gaya ng cancer—na walang bayad.

Di ko na mabilang ang mga pasyenteng may harelip na gumanda na ang anyo matapos niyang operahan.

Si Dineros ay consultant sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, Cardinal Santos Medical Center, Lourdes Hospital at Delos Santos Medical Center.

Siya nagtapos sa University of Sto. Tomas College of Medicine at nagpakadalubhasa sa America.

Si Heal ay fellow ng American College of Surgeons at Philippine Society of General Surgeons.

Tinuturuan niya ng spirituality ang kanyang mga pasyente na may mga lubhang karamdaman.

Kaibigan ko si Heal, na ang ngiti ay nakakahumaling sa maraming kababaihan, dahil siya’y permanent fixture sa mga medical missions ng oureach program ng “Isumbong mo kay Tulfo” sa mga malalayong lugar.

Makakasali pa kaya si Heal sa aking medical missions dahil sa dami ng kanyang trabaho bilang pinuno ng Philhealth?

Read more...