INAAMBISYON ni Cong. Vilma Santos-Recto na pumasyal sa Holy Land. Pero pagdating sa pagtakbo sa mas mataas na posisyon gaya ng presidente o bise presidente, wala ‘yon sa hinagap niya dahil aminado siyang hindi na siya bumabata.
“Kung may break ako, itatrabaho ko pa ba ‘yon? Ita-travel ko na hangga’t kaya ko pa,” bulalas ni Cong. Vilma nang makachikahan siya ng ilang press.
Mas pinili nga niyang tumakbo bilang kinatawan ng Lipa City dahil mas maliit lang ang nasasakupan niya. Ang panuntunan niya kasi, magtrabaho, mag-ipon at bumiyahe sa ibang bansa.
“Ewan ko kung bakit pumasok sa isip ko ‘yon. Ano ka, magpapakahirap ako rito? For what? Hindi. Tapos, magta-travel ka nang hindi mo na kaya? Tapos, pumapasok din sa isip ko kasi siguro nakikita ko rin sa mga tao, trabaho ka nang trabaho. Pinapagod mo ang sarili mo, ang pera mo, mapupunta sa hospital!
“Parang unfair naman yata. Eh di enjoy ko na! Hindi ba? Hanggang kaya ko. Parang ganito kasi ang panuntunan ko. Kaya ganito ang outlook ko.
“I mean, nagsilbi na ako, modesty aside, hindi naman ako bilyonaryo but I’m living comfortably. Kung may time magsilbi ako, magsisilbi ako. Matuto pero hindi para i-slave ko ang sarili ko!
“Kasi gusto ko ring magbiyahe eh. Enjoy akong magbiyahe. Alam ninyo ang ibig kong sabihin? Naka-psyche ang isip ko na ganoon. Kaya ‘yung mga ambisyon sa ganito, hindi rin, hindi rin,” paliwanag pa ni Ate Vi.
Hindi pa nakapunta si Ate Vi sa Holy Land. Pero iwas siya ngayong Holy Week dahil baka maya’t maya eh pictorial ang mangyari sa pagbisita niya.
Nang pumunta nga si Cong. Vilma sa Boracay, pinangarap niyang maglibot sa beach. Hindi naganap ‘yon dahil sa vicinity lang siya ng hotel
“’Yung kuwarto ko, may garden, sliding door, ‘yon ang Boracay ko! Hindi ako nakapunta ng Discovery. Nakita ko lang ‘yung dagat nang tumawid kami papunta sa hotel
“Gusto ko ngang bumili ng souvenir sa airport. Sabi sa akin, hindi ka makakapunta roon. Magkakagulo! Gusto ko ‘yung shells, gusto kong makita ‘yung sinasabit,” pag-aalala ni Ate Vi nu’ng dumalo siya sa kasal ng apo ni Mother Lily Monteverde sa Boracay.
Marami pa rin kasi siyang fans na nagkakagulo sa kanya, “Alam ninyo, ang pinakauna kong trabaho rito, hindi naman legislative eh, picture taking! Ha! Ha! Ha! Kaya minsan sa session, nahihiya ako.
“’Yung mga bisita ng congressmen galing sa Samar, Bicol, Tawi-Tawi, lalapit sa akin. ‘Cong, may mga nandiyan na Kapitan, Mayor namin from Tawi-tawi, pwede ba magpa-picture?’ Eh hindi puwede sa plenary. Kaya lumalabas kami.
“Minsan, hindi na ma-avoid. Minsan sa gallery. Minsan may nagdedebate. ‘Si Vi! Si Vi! Lapit tayo!’
Tapos may nagdedebate, nandoon ako sa gallery nagpi-picture! Ha! Ha! Ha! Ako ang nahihiya? Can you say no?
“Minsan naiisip ko, ‘Pasalamat ka at may nagpapa-picture sa ‘yo? Magtaka kung wala nang magpa-pictire?’ Mas matakot ka na pag naglalakad ka eh wala nang magpa-picture sa ‘yo?” pahayag ni Cong. Vilma.