WINALIS ng San Beda ang general championship sa juniors at seniors division upang madomina ang NCAA Season 92 na opisyal na nagtapos kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakapagtipon ang Lions ng kabuuang 683 puntos sa mga panalo sa basketball, chess, men’s taekwondo, women’s table tennis, men’s at women’s swimming at football upang maungusan ang St. Benilde, na nagkasya sa ikalawang silya sa 647 puntos sa tulong ng panalo sa men’s volleyball, women’s taekwondo, men’s table tennis at men’s lawn tennis.
Nasiguro ng San Beda ang korona sa pagtapos na ikalawa sa women’s beach volleyball na ginanap sa Subic nitong nakaraang buwan upang masalo ang kahinaan sa ikasiyam na puwestong pagtatapos sa athletics noong isang linggo.
Ang korona ay ikalawang overall crown ng Lions sa seniors at ikalima sa pangkalahatan sa liga.
“We’re very happy, it’s a proud accomplishment for the whole San Beda community,” sabi ni Management Committee chair Jose Mari Lacson ng host San Beda.
Tumapos na ikatlo ang Arellano University (590) kasunod ang Lyceum (444.5), Perpetual Help (384.5), Letran (367), Mapua (301.5), San Sebastian (300), Emilio Aguinaldo (299) at Jose Rizal (172.5).
Dumaan naman sa matinding hirap ang Cubs (405) bago naungusan ang St. Benilde Junior Blazers (397.5) para sa ikalima nitong sunod na general championship. Ito ang ika-13 kampeonato ng San Beda sa juniors.
Nasa Top 10 din ang Letran (352.5), Lyceum (278), EAC (271.5), St. Benilde (244), San Sebastian (229), Perpetual Help (188), JRU (102.5) at Mapua (102).