Nasawi ang Grade 5 pupil nang mabagok ang ulo matapos suntukin ng kaklase, sa kanilang paaralan sa Tanauan City, Batangas, Miyerkules, ayon sa pulisya.
Isinugod ang 10-anyos na pupil sa barangay health center at nilipat sa C.P. Reyes Hospital, ngunit idineklarang patay ng doktor, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Ni-refer na sa mga kinauukulan ang kinasangkutan ng 11-anyos na suspek.
Naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa elementary school ng Brgy. Pantay Bata.
Lumabas sa imbestigasyon na lumilipat noon ng silid ang mga Grade 5 pupil, nang suntukin ng 11-anyos sa balikat ang 10-anyos.
Dahil doo’y nawalan ng balanse ang 10-anyos, nabagok ang ulo sa sahig, at nawalan ng malay, ayon sa pulisya.
Inatasan na ang Regional Crime Laboratory Office-4A para magsagawa ng karagdagang imbestigasyon sa insidente.
MOST READ
LATEST STORIES