Pagsali ng PH chess team sa Vietnam nanganganib

MAGTUTUNGO sa Sabado, Marso 11, ang pito kataong national chess team upang makipagpigaan ng utak sa 7th HD Bank Cup International Open Chess 2017 sa First Hotel sa Ho Chi Minh City, Vietnam sa Marso 12-18.

Subalit dahil sa unliquidated account ng kinabibilangang National Chess Federation of the Philippines (NCFP) nanganganib hindi makaalis ang bumubuo sa koponan na sina Grandmasters John Paul Gomez, Eugene Torre, Darwin Laylo at Rogelio Antonio, Jr., International Master Oliver Dimakiling, FIDE Master Narquingden Reyes, ASEAN GM Edmundo Gatus, National Master Hamed Nouri at untitled Xavier John Verdun na sasalang sa Masters. Sasabak din sa Challenger section sina FM Alekhine Nouri, Martin Gaticales at Nelman Lagutin.

Gayunman, pito lamang na national players mula sa mga nabanggit na pangalan ang kuwalipikado sa suporta ng NCFP na hirap ngayon makakuha ng tulong pinansiyal sa ahensiya ng gobyerno na Philippine Sports Commission (PSC).

Hanggang kahapon ay nilalakad ni on leave-NCFP executive director GM Jayson Gonzales ang pondo para sa mga woodpushers kung saan hirap siya dahil sa matagal nang unliquidated account na nakuha ng asosasyon sa PSC na umaabot sa halos P5 milyon.

Hindi direktang natanggap ng kasalukuyang NCFP leadership sa ilalim ni Prospero Pichay, Jr. kundi namana lamang nito sa nabuwag na Philippine Chess Federation ng namayapa na si Atty. Arturo Borjal mula sa anim na kumpetisyon noong 1990, 1991 at 1998 kasalo ang mga naunang namahala sa NCFP.

May P840,630 total unliquidated ang dating PCF sa ilalim ng pangulo noon na si Borjal, habang may pinagsamang P3,889,882 unliquidated ang NCFP 2000-01, 2003-05 at 2014 sa mga liderato dati nina Go Teng Kok (P1,582,110), Atty. Matias Defensor (P1,209,342), at Atty. Samuel Estimo/Grandmaster Eugenio Torre (P1,128,000).

“We’ll try our best to communicate with the previous administrations of our federation to solve this problem,” ani Gonzales, na napilitang magbakasyon na muna sa kanyang katungkulan sa personal na dahilan at pagpapagaling sa bumaba niyang sugar sa katawan.

Pinaiiral ng PSC sa kasalukuyang pagpapatakbo ni Chairman William Ramirez na kapag may mga unliquidated ang isang national sports association gaya ng NCFP, direkta na lang ibinibigay ang ayudad sa mga atleta.

Read more...