Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
5 p.m. Cocolife vs Foton
7 p.m. Cignal vs Petron
AGAD na magsasagupa para sa paghawak sa liderato ang mga paborito sa titulo na Cignal at Petron sa tampok sa sagupaan ngayon ng Belo-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Magkakasubukan ang dalawang pinakamalakas na koponan sa liga na HD Spikers at Blaze Spikers sa ganap na alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Cocolife at Foton sa ganap na alas-5 ng hapon.
Matapos ang masaklap na kampanya, nagsagawa ang HD Spikers ng offseason revamp kung saan nakuha nito ang serbisyo ng tatlo sa pinakamagagaling na manlalaro sa bansa na sina Jovelyn Gonzaga, Honey Royse Tubino at Rachel Anne Daquis pati na rin si Maica Morada upang saluhan ang solidong komposisyon nina Paneng Mercado, Janine Marciano, Cherry Vivas at Jheck Dionela.
Agad ito nakita sa impresibong unang laro kung saan itinala nito ang 26-24, 20-25, 26-24, 13-25 at 15-9 panalo kontra sa powerhouse Foton sa unang araw ng torneo.
Masusubok ang HD Spikers sa pagharap nito sa Blaze Spikers na bitbit din ang matinding komposisyon matapos na makuha sina Mika Reyes at Carmela Tunay sa offseason kung saan magaan nito na binigo ang Sta. Lucia, 25-19, 25-19, 25-21, sa una nitong laban.
“We’re very familiar with Petron and we will use it as our biggest asset,” sabi lamang ni Cignal coach George Pascua, na idinagdag na natutuwa siya sa pagharap sa unang pagkakataon sa Blaze Spikers na kanyang giniyahan sa pares ng titulo at tatlong pagtuntong sa kampeonato.
“Also, one of our advantages over them is that we have reliable leaders on the floor. The experience and leadership of Rachel, Jovelyn and Maica is something you can’t ignore.”