ISASAGAWA na muli sa buwan ng tag-init ang pinakakaabangan kada taon na karera ng bisikleta sa pagdedesisyon ng mga nag-oorganisa na itakda ang LBC Ronda Pilipinas sa Abril 6, 2018.
Ito ang sinabi ni LBC Ronda Pilipinas project director Moe Chulani kung saan ang 2018 edition ng karera na siyang pinakamahaba at pinakamalaking karesa sa bansa ay tatahakin ang mga kilalang lugar sa buong bansa na dadaan simula Davao City na tatagos sa Mindanao-Visayas-Luzon at posibleng magtapos sa Baguio City.
“It has been set, our LBC Ronda Pilipinas 2018 edition will start on April 6,” sabi ni Chulani sa naging napakasayang pagtatapos na grand awarding ceremony sa Iloilo Business Park sa Iloilo City.
Unang nagdesisyon ang Ronda organizers na isagawa ang karera sa Pebrero noong nakaraang taon upang masamantala ang malamig na klima subalit nakikipag-untugan ito sa takdang araw sa pagsabay sa isa pang karera sa bansa na Le Tour de Pilipinas na nakakaapekto sa mga siklista na piliin lamang ang sasalihang karera.
Inaasahan na sa desisyon ng Ronda organizer ay kapwa mabibigyang halaga ang dalawang karera sa bansa at hindi na maguguluhan pa ang mga siklista na parehas salihan ang dalawang kompetisyon sa bisikleta.
Kapwa rin magagamit ng pambansang koponan ang dalawang karera para makapaghanda sa iba’t-ibang sasalihang torneo sa loob at labas ng bansa habang may pagkakataon din na makalikom ng kanilang kinakailangang pondo para sa paglahok.
Muling itinakda ng Ronda ang P1 milyon na premyo sa susunod na taon sa tulong ng presentor LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.