DALAWANG katangian ng yumaong Elder Statesman Lee Kuan Yew, ang ama ng mayamang bansa ng Singapore, ang katangian din ni Pangulong Digong.
Ang unang katangian ni Lee ay galit ito sa corruption.
Naalis ni Lee ang corruption sa kanyang gobiyerno dahil naging halimbawa siya ng ibang kagawad ng gobiyerno: Di siya nangurakot kahit isang kosing.
Ang pangalawang katangian ni Lee ay ang hindi siya natinag sa pressure ng ibang bansa.
Noong 1996, ang Amerikanong teenager na si Michael Fay ay hinatulan ng Singapore court na latiguhin ng limang beses dahil sa vandalism.
Di pinagbigyan ni Lee ang panawagan ng American na isalba sa latigo si Fay.
Sa kanyang kampanya laban sa corruption, tinanggal ni Mano Digong si Peter Lavina bilang pinuno ng National Irrigation Administration (NIA) dahil sa iskandalong amoy utot—whiff of scandal sa Ingles—sa ahensiya.
Gaya ni Lee, ang ating Pangulo ay di natitinag sa pressure ng international community at ng Simbahang Katolika sa kanyang marahas na kampanya laban sa droga at krimen.
Kapag pinanatili ni Mano Digong ang pagpapatakbo niya sa bansa gaya ng pagpapatakbo ni Lee sa Singapore, nasa landas na ang bansa sa pagiging First World status pagkatapos ng termino niya.
Huwag lang sanang baguhin ng papalit sa kanya ang mga policies na pinaiiral ni Digong ngayon.
***
Drawing lang ang mga bilang ng mga Abu Sayyaf na naulat na napatay sa opensiba ng gobiyerno sa Sulu at Basilan.
Labing- walo (18) raw ang mga Morong bandido ang napapatay na ng mga sundalo ng gobiyerno, ayon sa Armed Forces of the Philippines o AFP.
Pero, teka, saan ang mga bangkay ng mga Abu Sayyaf?
Wala!
Naalala ko tuloy ang yumaong retired Army general na si Rodolfo Canieso, dating Philippine Army chief.
Si Canieso ay naging battalion commander sa Sulu sa kasagsagan ng giyera sa Mindanao noong dekada ’70.
Ang utos niya sa kanyang mga tauhan ay ipakita sa kanya ang dalawang piningas na tenga ng bawat rebeldeng Moro na napatay nila.
Hindi tinatanggap ni Canieso ang mga baril na nakumpiska sa mga rebelde sa lugar ng labanan dahil baka naiwan lang ang mga ito.
Ang gustong makita ni Canieso ay dalawang pingas na magkabilang tenga, kanan at kaliwa, ng bawat rebelde na napatay dahil mabigat naman daw kapag dinala pa ang buong bangkay.
Mas maraming magkaparehang tenga, mas natutuwa si Canieso.
***
Isa si Canieso na masasabing very colorful character.
May sinabi si Canieso na nagpagalit kay Pangulong Marcos.
Nang dumating ang report na maraming napatay na sundalo niya sa labanan, sinabi diumano ng noon ay magiting na koronel: “Huwag tayong mag-alala, mga bata, maraming pang Ilocano sa Luzon.”
Nakarating ang kanyang sinabi kay Marcos na isang Ilocano; dali-dali siyang inalis sa puwesto at nilipat sa Army headquarters sa Fort Bonifacio na walang assignment.
***
Anong ibig kong sabihin, mga giliw kong mambabasa?
Na huwag tayong basta naniniwala sa mga ulat ng military ng bilang ng napapatay na kalaban.
Kailangang may pruweba o bangkay ng Abu Sayyaf.
Sinasabing mga 400 ang bilang ng mga Abu Sayyaf. Napakarami naman niyan.
Iilan lang ang mga Abu Sayyaf baka hindi umaabot ng 200 ang kanilang bilang ng armadong miyembro.
Ang marami sa kanila ay mga supporters o sympathizers; diyan masasabi mo na mga libu-libo ang mga ito dahil buong bayan ng Sulu ang humahanga sa kanila.
Ang mga Abu Sayyaf kasi ay maituturing na mga Robin Hood; kapag sila’y kumita ng ransom sa kanilang bihag ay pinamamahagi nila ang pera.
Kaya’t dapat ay bigyan ng warning ang mga mamamayan ng Sulu na kapag tumanggap sila ng pera sa mga Abu Sayyaf o sumuporta sila sa mga ito ay ituturing din silang mga kaaway ng gobiyerno.
Supporters ng Abu Sayyaf ituring na kaaway
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...