INAMIN ni retired SPO3 Arturo Lascañas na personal niyang pinatay ang 200 katao nang siya pa ay miyembro ng Davao Death Squad (DDS).
“Kung sa DDS lang po, (it started in 1989), sabihin na lang natin na mga almost 200,” sabi ni Lascañas.
Kasabay nito, inamin din ni Lascañas ang kanyang naging partisipasyon sa pagpatay sa sariling mga kapatid.
Ayon kay Lascañas, siya ang nagbigay ng go-signal sa kapwa mga miyembro ng Davao police para patayin ang kanyang mga kapatid na sina Cecilio, noong 2011 at Fernando, noong 2014, sakaling sila ay manlaban.
Samantala, sinabi ni Lascañas na pinigilan ng anak ni Pangulong Duterte na si Vice Mayor Paolo Duterte, ang pag-aresto sa isang suspek sa droga noong 2014.
Sinabi ni Lascañas na hiningi ng batang Duterte ang kanyang tulong para harangin ang van ng isang Charlie Tan dahil umano may shabu sa loob ng kanyang sasakyan.
“Ang sabi niya sa ‘kin, ‘pag dumating ang ‘yung sa Davao, escortan mo ang van, ipa-deliver natin sa isang barangay hall at pag-open, kung may laman, hulihin si Charlie Tan, ” dagdag ni Lascañas.
Idinagdag ni Lascañas na pinagdudahan niya ang kredibilidad ng noo’y Mayor Rodrigo Duterte sa kampanya nito kontra droga.
“Pwede pa lang mamili, samantalang ako nakalubog ang dalawang paa ko sa impyerno dahil sa pag enforce ng campaign ni Mayor Rody against illegal drugs,” aniya.
Samantala, sinabi ni Lascañas na kaya niyang ituro kung saan inilibing ang buong pamilya na pinatay ng DDS sa isang quarry sa Davao City.
Tinukoy ni Lascañas ang pamilya Patajasa, na umano’y pinapatay ni Duterte.