Lascañas: Binigyan ako ng P1M bonus ni Duterte matapos patayin si Jun Pala

Arturo-Lascanas

SINABI ngayon ng umaming lider ng Davao Death Squad (DDS) na si retired SPO3 Arthur Lascañas na binigyan siya ng karagdagang P1 milyon ng noon ay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pabuya sa pagpatay sa brodkaster na si Jun Pala noong 2003.

Sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate committee on public order, idinagdag ni Lascañas na aabot sa P3 milyon ang kontrata para sa pagpatay kay Pala, kung saan hinati-hati ito sa mga nagplano ng operasyon.
Inulit ni Lascañas ang kanyang naunang pahayag sa isang press conference noong isang buwan na isang SPO4 Sonny Buenaventura ang nakipag-ugnayan sa kanila bilang kinatawan ni Duterte.
“Galit si mayor kay Jun Pala dahil sa lagi nitong pag-atake. Ni-recommend ni Sonny Buenaventura kay mayor na pwede akong ikontrata. Tinanggap ko ang kontrata na 3 million,” ayon pa kay Lascañas.
Aniya, nakaligtas si Pala sa dalawang tangkang pagpatay sa kanya.

Sinabi pa ni Lascañas na nagkita pa sila ni Duterte sa isang mall kaugnay ng hindi nagtagumpay na tangkang pananambang laban kay Pala kung saan sinabi nito na hindi naman kailangang madaliin ang plano.
Idinagdag ni Lascañas na pinapunta siya ni Buenaventura sa bahay ng girlfriend ni Duterte kung saan ibinigay mismo ng mayor ang P1 milyong pabuya.
Kinilala ni Lascañas ang bumaril kay Pala na isang Valentin Duhilag. Sinabi niya na isang Jerry Trocio, na malapit na kaibigan ni Pala, nang siya ay dating pang city councilor, ang nagbigay ng impormasyon sa galaw ng brodkaster.
Sinabi ni Lascañas na empleyado pa rin si Trocio sa Davao City Hall hanggang ngayon.

Read more...