ILOILO City – Nagsilbing 12 ikot na victory ride ni Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance ang paborito na criterium sa Stage 14 para tuluyang dominahin ang 2017 LBC Ronda Pilipinas at itala ang kanyang kasaysayan matapos na solong tawirin ang finish line sa panghuling yugto na nagsimula at nagtapos dito sa Iloilo Business Park.
Agad umalpas sa natirang 78 siklista sa ikatlong ikot pa lamang ng 1 oras at tatlong ikot na criterium ang 31-anyos na si Morales upang mag-isang kumpletuhin ang yugto sa kabuuang 1 oras, 5 minuto at 8 segundo na nagsilbi ritong simbolikong victory ride sa pagtawid sa finish line bitbit ang checkered flag.
“Iyon po talaga ang plano kasi pinoproteksiyunan ako ng team na huwag madisgrasya. May mga nagtangka agad sa unang ikot tapos noong makawala ako ay walang sumunod kaya itinuloy ko na,” sabi ni Morales, na nagtala ng kasaysayan sa taunang karera bilang unang back-to-back champion at makakasama ang unang naging two-time winner na si Santy Barnachea bilang mga most titled rider na may tigdalawang korona.
Si Barnachea ang nagwagi sa unang edisyon ng karera anim na taon na ang nakalipas bago nito nagawang sundan apat na taon ang lumipas.
Inialay naman ni Morales ang kanyang panalo sa kanyang dalawang buwan na buntis na asawa na si Leni at anim na taong anak na babae na si Janel at dalawang taong lalaki na si Jan Paul, Jr.
“Nagpapasalamat ako sa pamilya ko, tsaka sa mga kasamahan ko sa team. Sa totoo lang lahat ng miyembro sa team ay puwede sa General Classification kaya lang kailangan natin pumili ng isang lider kaya pinagbuti ko na lang,” sabi ni Morales, na dati rin miyembro ng pambansang koponan.
Sa kabuuan ay anim na yugto ang napagwagian ni Morales matapos magwagi sa Stage Two criterium sa Vigan, Ilocos Sur, ang Angeles-Subic Stage Three, ang Pili-Daet Stage Seven, ang Stage Nine criterium sa Sta. Rosa, Laguna, ang Stage 12 Individual Time Trial sa Guimaras at panghuli ang Stage 14.
Sabay-sabay naman pumasok ang pulutong ng mga riders kung saan nakuha ni Cris Joven ng Kinetix Lab-Army ang ikalawang puwesto kasunod sa ikatlong hanggang ikasampu sina Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme, Rudy Roque ng Navy, Ronnel Hualda, Orlie Villanueva at Jonel Carcueva ng Go for Gold, Ronnilan Quita ng Army, Roel Quitoy ng Mindanao at Mark Julius Bordeos ng Army sa pare-parehas na oras na 1:05:26.
Dahil sa pagiging overall champion ay iiuwi ni Morales ang nakatayang P1 milyon sa karera mula sa presentor na LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling and 3Q Sports Event Management.
Maliban sa overall title, iuuwi din ni Morales ang premyo sa Overall Sprint King (Blue Jersey) at King of the Mountain (KOM) matapos na magtipon ng 144 at 37 puntos.
Sunod kay Morales na tinipon ang kabuuang 44:55:35 oras ang kakampi na si Roque na naiwan ng 13 minuto at 45 segundo habang ikatlo si Joven (16:41s). Ikaapat si Bryant Sepnio ng Go for Gold (28:02), Leonel Dimaano ng RC Cola (28:16), Ronald Lomotos (29:06) at Daniel Ven Carino (32:00) at Lloyd Lucien Reynante ng Navy (32:58), Reynaldo Navarro (35:36s) at Quita (36:50).