San Miguel Beer tatangkaing iuwi ang ika-3 PBA Philippine Cup title

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Brgy. Ginebra
Game 1: San Miguel 109, Ginebra 82
Game 2: Ginebra 124, San Miguel 118 (OT)
Game 3 : San Miguel 99, Ginebra 88
Game 4 : San Miguel 94, Ginebra 85

SASAMANTALAHIN ng San Miguel Beermen ang una sa dalawa nitong tsansa na masungkit ang Emilio Bernardino Perpetual Trophy sa pagsagupa nito sa Barangay Ginebra Gin Kings sa Game 5 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven Finals series Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Bitbit ng Beermen ang 3-1 bentahe kontra sa Gin Kings sa pagsasagupa muli ganap na alas-6:30 ng gabi kung saan kailangan na lamang nito ng isang panalo upang itala ang kasaysayan bilang ikalawang koponan na nagawang magwagi ng tatlong sunod sa prestihiyong All-Filipino conference matapos ng Talk ‘N Text.

“Three-one is a commanding lead, but we’re not sure yet,” sabi ni Beermen coach Leo Austria. “Coach Tim (Cone) is a good coach and he has been in this situation so the possibility is still there.”

Agad na nag-init sa simula pa lamang ng Game 4 ang Beermen bago pinigilan ang paghahabol ng Gin Kings tungo sa pag-uwi ng 94-85 panalo at mangailangan na lamang ng ikaapat at huling panalo para tapusin agad ang serye.

Sinimulan ng Beermen ang Game 4 sapamamagitan ng 11-0 run at naghulog ng 11 3-pointers sa unang dalawang yugto upang agad itala ang 55-34 abante. Itinala pa nito ang pinakamalaking abante sa 26 puntos, 60-34, sa ikatlong yugto upang gulantangin ang Gin Kings.

Gayunman, inaasahang babalikwas ang Gin Kings upang makamit ang paisa-isang panalo at mailapit sa tabla ang serye na ilang beses na nitong pinagdadaanan sa mga nakalipas nitong pagtuntong sa kampeonato.

Hawak din ng Gin Kings ang kasaysayan bilang pinakaunang koponan na nakaahon mula sa 1-3 paghahabol sa serye upang agawin ang titulo noon kontra sa Shell.

Inaasahang sasandigan muli ng Beermen si June Mar Fajardo, na ginawaran ng kanyang ikalimang Best Player of the Conference award, matapos magtala ng 20 puntos, 13 rebounds, tatlong assists at dalawang blocks gayundin si Marcio Lassiter na may 20 puntos.

Read more...