Angeline: Panloloko sa mga tao kapag nag-lip sync ang singer sa live concert

BIRIT QUEENS: MORISETTE AMON, KLARISEE DE GUZMAN, ANGELINE QUINTO AT JONA

BIRIT QUEENS: MORISETTE AMON, KLARISSE DE GUZMAN, ANGELINE QUINTO AT JONA

PANLOLOKO ang pagli-lip sync sa mga live show at major concert, lalo na kung nagbayad ang audience.

Ito ang paniniwala ng ASAP Birit Queens na sina Angeline Quinto at Jona, pati na rin ng dalawa pa nilang kasamahan sa grupo na sina Morisette Amon at Klarisse de Guzman.

Sa presscon ng kanilang first major concert bilang grupo, titled “ASAP Birit Queens”, napag-usapan ang tungkol sa mga singer na nagli-lip sync sa kanilang mga performance.

Dito inamin ni Jona na minsan na siyang napilitang mag-lip-sync dahil hindi na siya makaurong sa isang commitment, “Ako po, sa totoo lang, nagkaroon na ng isang experience na I had to do it. Nag-lip-sync po ako ng isang praise and worship song kasi naka-set na po talaga ‘yung date na kailangan kong pumunta.”

In-explain naman daw niya sa mga organizer ng event ang kanyang kundisyon, as in talagang wala na siyang boses that time ngunit pinilit pa rin siyang um-attend sa kabila ng kanyang sakit, “But honestly, for me, kung totoong singer ka talaga I think hindi po talaga maganda na nagli-lip-sync ka. Unless meron kang malalim na rason like ang event ay hindi na po puwedeng ma-cancel.”

May isa pa nga raw insidente na kinailangan pa rin niyang mag-perform kahit na mataas ang lagnat niya, “Wala po akong ibang choice kundi magpatuloy po na kumanta ng live. Noong opening number pa lang po, napaiyak na talaga ako!”

Sa huli ay inamin niya sa audience ang tunay niyang kundisyon, “I really tried my best para makakanta po ng live kasi nagbayad po sila para mapanood ako,”

Para kay Angeline, maituturing na panloloko kapag nag-lip-sync ang isang singer sa isang concert lalo na kung nagbayad ang mga manonood, “Kung singer naman po hindi naman po tamang mag-lip-sync ka. Parang niloloko mo naman ang audience mo nu’n.”

Tinanong din ang apat kung nagkakaroon din ba ng pagkakataon na nagkakasapawan sila sa kanilang live performances,

Tugon ni Angeline, “Hindi naman po uso sa amin ang sapawan. Actually, ‘yong sinabi ni Klang (Klarisse) totoo ‘yon. Kasi may sari-sarili kaming parts na ginagawa sa mga kanta namin so hindi puwedeng kukunin namin ‘yong part ng isa.”

Hindi rin daw isyu sa kanila kung sino ang nakatanggap ng pinakamalakas na palakpak o kung sino ang una sa billing. Birong sagot pa nga ni Angeline, “Basta sana po sa aming apat, pantay-pantay lang po ‘yong TF (talent fee) okey na. Kahit sino pa ang una at huli, OK na sa amin, basta kaliwaan po.”

***

Samantala, excited na ang apat na Kapamilya singers sa unang pagsasama-sama nila sa isang major concert na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa March 31, 8 p.m..
Hatid ng ABS-CBN Events at Star Events, ang “ASAP Birit Queens” ay siguradong magpapatayo ng balahibo at magpapabilib sa manonood sa stage at TV direction ni Johnny Manahan with musical director Homer Flores.
Sa kanilang outstanding performances tuwing Linggo sa ASAP, napatunayan ng apat na singers ang kanilang galing gamit ang matataas at malalakas na mga tinig kaya’t sila ay trending lagi di lamang dito sa bansa kungdi worldwide.
Unang nakilala sa The Voice of the Philippines si Klarisse. Mula first runner-up, bida na siya ngayon bilang bahagi ng Birit Queens. Malayo na rin ang narating ni Angeline na tinaguriang Queen of Teleserye Themes, ang boses sa likod ng mga iconic teleseryes.
Produkto rin ng The Voice, isa na si Morissette sa paboritong concert performer sa loob at labas ng bansa at ngayon ay tinaguriang The Next Big Diva. Pinakabago man sa ABS-CBN sa kanilang apat, napatunayan naman ni Jona ang kaniyang galing at siya ay naging isa na sa mga paboritong Kapamilya singers.
Sama-sama silang magpapadagungdong ng entablado gamit ang kanilang mga sariling awit, OPM classics, at covers ng Billboard Top 100. Abangan rin ang performances ng special guests na sina Rayver Cruz, Inigo Pascual at Zeus Collins.
Kasunod ng kanilang concert dito sa bansa, dadalhin din ng Birit Queens ang kanilang iconic performances sa Middle East. Magaganap sa April 7 sa National Theater sa Abu Dhabi ang pinakahihintay na “ASAP Birit Queens” show.
For tickets inquiries para sa “ASAP Birit Queens” sa MOA Arena, go lang kayo sa mga SM Ticket outlets o tumawag sa 470-22-22. Pwede rin kayong mag-log on sa www.smtickets.com. – EAS

Read more...