TUWING Marso ay ipinagdiriwang ang Women’s Month sa buong mundo kung saan kabilang si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa mga nangunguna para isulong ang mga karapatan ng mga kababaihan lalu na sa lalawagan.
Itinakda ang iba’t ibang mga aktibidad para sa National Women’s Month sa ilalim ng Provincial Gender and Development (PAD) na sisimulan sa pamamagitan ng trade fair at self-defense training para sa mga babaeng estudyante.
Nakatakdang lumahok ang mga mag-aaral mula Grade 10 at Grade 11 mula sa Bacarra, Piddig at Vintar sa isasagawang self-defense training sa Vintar Auditorium mula ala-1 ng hapon mula Marso 6 hanggang 7.
Ito’y sasabayan naman ng mga lugar sa Currimao, Pinili, at Badoc kung saan isasagawa ang pagsasanay sa Badoc Auditorium.
Dahil buwan ng mga kababaihan, 20 pulis na babae mula sa Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) ang tatayo bilang mga tagapagsanay ng mga lalahok na estudyante na aabot sa 100 kada dsitrito.
Ipinagmalaki naman ni Marcos na nagkakaroon na ng lakas ng loob ang mga kababaihan na mga Ilocano kung saan mas marami na ang nagsusumbong na nakakaranas ng domestic violence aat sexual harassment.
Iginiit naman ni Marcos na sa kabila ng lumalaking kaalaman sa karapatan ng mga kababaihan, dapat na tuluyang matigil ang mga nakasanayang maling magtrato sa mga babae.
Samantala, ibabandera rin ng mga entrepreneur na mga Ilocana ang kanilang mga produkto sa parking lot ng Provincial Capitol mula Marso 6-10, kung saan may tatanghaling “Best Booth” na award.
Idinagdag ni Marcos na karamihan ng mga lalahok ay magiging benepisyaryo ng PGIN’s Lacasa loan program, na naglalayong makapagbigay ng karagdagang kapital sa mga babaeng entrepreneur.
Noong 2016, umabot ng 600 na mga kababaihang Ilocono ang natulungan ng programa para mapatatag ang kani-kanilang negosyo.
Nadadagdagan na rin ang mga babaeng Ilocano na napapabilang sa workforce ng bansa.
Nangangahulugan ito na hindi na rin naiiwan sa kani-kanilang bahay ang mga kababaihan, kundi tumutulong sa kanilang mga mister sa paghahanapbuhay.
Kinikilala na ang mahalagang ginagampanan ng mga babae bilang mga katuwang sa pagpapaunlad ng bansa.
Naniniwala din ang lokal na pamahalaan na hindi lamang para sa karagdagang sahod ng pamilya kung kayat napipilitang magtrabaho ang mga kababaihan, kundi sila ang tumatayong padre de pamilya sa kanilang pamilya.
Bukod sa Lacasa loan, nagsasagawa rin ang opisina ng GAD parent education programs sa mga barangay, kung saan tinatalakay sa mga paaralan ang isyu hinggil sa teen pregnancy, rape, at sexual harassment; at mga seminar sa fertility awareness.
Maraming pang mga panimpalak ang nakalinya sa Ilocos Norte para sa Women’s Month, kasama na ang
Buntis Day Celebration kung saan inihanda ang Kinni-Kinni (“kembot” o “swaying hips”) Parade sa Marso 10, samantalang isasagawa ang mga forum para sa kababaihan mula sa Masl 14-22.