Na-comatose, nagising, ayaw pa ring umuwi ng Pinas

MATINDI talaga ang epekto nang pag-a-abroad sa ating mga kababayan.

Mahigit isang taong comatose ang isang Pinay OFW sa Dubai, UAE. At sa haba nang panahon na tulog siya o walang malay mula nang ma-confine ito, pinagtulung-tulungan siyang mai-revive ng mga doktor, nurses at buong staff ng hospital bukod pa sa wala itong kapamilya na nag-aasikaso sa kaniya o di kaya’y makadalaw man lamang sa ating OFW.

Kaya nang magising ito, laking tuwa at pasasalamat ng buong staff nang naturang hospital. Hindi rin makapaniwala ang Pinay na matagal siyang na-comatose.

Akala ng lahat, hihilingin nitong makauwi kaagad ng Pilipinas upang muling makapiling ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Ngunit hindi iyon ang naging desisyon ng OFW.

Taliwas nga sa inaasahan, sinabi nitong gusto na niyang bumalik kaagad sa kaniyang trabaho.

Naging positibo naman ang pahayag ng kumpanay na naghihintay sa OFW. Ayon sa isang supervisor doon, pwede nang ipagpatuloy ng OFW ang trabahong naudlot.

Hindi naman natin alam kung ano ang personal na dahilan ng ating OFW kung bakit nga mas pinili niyang ipagpatuloy na lamang ang pagtatrabaho sa halip na umuwi ng bansa.

Sa mga ganitong kalagayan kasi, sa tagal nang panahong pagkakasakit at pagkawalay sa pamilya, pipiliin nilang makapiling kaagaad ang mga mahal nila sa buhay.

Tiyak na ganoon din ang pakiramdam ng mga kapamilya nito sa Pilipinas na maaaring walang ibang ginawa sa araw-araw kundi ang ipanalangin siya na magising na sana sa lalong madaling panahon at makabalik sa dating kalusugan.

Ikinalulungkot natin ang ganitong mga balita. Siyempre walang may gusto nang pagkakasakit, OFW man o hindi. Palaging ninanais natin ang malusog na pangangatawan sa araw-araw, walang anumang dinaramdam at nagagawa ang mga regular na gawain sa buhay.

Lalo pa sa ating mga OFW. Ang puhunan nila sa kanilang pag-aabroad ay ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan upang magamit iyon sa kanilang paghahanap-buhay.

May mga OFW tayo sa abroad na labis-labis abusuhin ang kanilang mga katawan tulad na lamang nang pagkahumaling sa iba’t-ibang klase ng bisyo, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pakikipagtalik nang walang patumangga, pagpupuyat nang walang kabuluhan o di kaya’y pakikipag-barkadahan.

Ang ganitong mga gawain ay tiyak na umaani ng kasiraan at kabulukan ng kanilang mga katawan.

Marami na tayong mga kababayan na nagkasakit at nagresulta iyon sa hindi napapanahong pagkakasakit at kamatayan dahil sa kawalan ng disiplina sa kanilang mga sarili.

Pakiramdam nga ng iba, mga “immortal” sila o walang kamatayan. Ngunit nasa isip lamang iyon.

Kabaliktaran ito ng katotohanan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...