2 bagong rekord naitala sa NCAA track and field competition

ISANG discus thrower at dalawang long jumper ang nagsipagtala ng kani-kanilang mga record-breaking performance upang pasimulan ang NCAA Season 92 track and field competition sa Philsports Complex sa Pasig City.

Binura ni Tyrone Exequiel ng Emilio Aguinaldo College ang 11-taong meet record na 40.00 metro na itinala ni Randolph Hernandez ng Letran noong 2006 sa paghagis ng pinakamalayo na 42.69 metro sa secondary boys discus throw.

Nagbigay naman ng hamon si Gideon Arellano ng San Beda College sa paghagis ng discus sa layong 42.67 metro subalit hindi pa rin natapatan ang naisagawa ni Exequiel para magkasya sa pilak na medalya.

Hindi naman nagpaiwan sina Miller Manulat ng Jose Rizal University at Julian Seem Fuentes ng College of St. Benilde sa pagtala ng mga bagong rekord sa juniors at seniors long jump.

Tinabunan ni Manulat ang 6.77 metrong marka ni John Resty Lorenzo ng San Sebastian College na itinala tatlong edisyon na ang nakaraan sa pagtalon sa layong 6.83 metro habang si Fuentes ay lumundag ng 7.59 metro upang dagdagan ang rekord na 7.42 metro na kanya mismong itinala nitong nakaraang taon.

Pumangalawa si Alberto Ubando (6.49m) ng Arellano University at pumangatlo si John Wilfred Laguna (6.38m) ng JRU kay Manulat habang sina Aristeo dela Pena (7.44m) ng Arellano at Joshua Tero ng San Beda ay ikalawa at ikatlo naman kay Fuentes.

Sa iba pang resulta ay inuwi ni Harvey Unico ng Letran ang ginto sa pole vault sa seniors division sa nalundag nito na 4.10m upang biguin sina John Ray Mabuyao (4.00) at Christopher Gonzales (3.80m).

Ang tatlong araw na centerpiece event ng NCAA ay nagsimula ganap na alas-8 ng umaga kahapon kung saan ang San Sebastian Management Committee representive Fr. Glyn Ortega, OAR, kasama ang kapwa mga opisyal ang mismong nagbukas ng torneo.

Read more...