Death penalty aprubado na sa Ikalawang Pagbasa sa Kamara

INAPRUBAHAN na Miyerkules ng gabi ng Kamara  sa ikalawang pagbasa ang death penalty bill.

Pasado alas-7 ng gabi nang tumayo si House Majority leader at Ilocos Norte Rep. Rodito Albano sa plenaryo matapos na kuwestyunin ng mga anti-death penalty bill congressmen ang quorum.

Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na maaaring iba na ang bilang ng mga kongresista sa plenaryo kumpara noong mag-roll call bago mag-alas-5 ng hapon.

Ayon naman kay Farinas halata na pinatatagal lamang ng mga tutol sa panukala ang deliberasyon dahil kung anu-ano na lamang umano ang pag-amyenda na kanilang ipinapanukala.

Kaya pinagbigyan ni Farinas ang nais ng mga tutol sa panukala na muling mag-roll call  pero pagkatapos umano nito ay magbobotohan na.

Sa unang roll call ang present sa sesyon ay 229 kongresista. Sa ikalawa ay 227 kongresista ang present.

Nagbotohan kung sino ang pabor sa nominal voting at pinatayo ang mga ito. Ang tumayo ay 28 kongresista.

Maaaring magpatawag ng nominal voting kung 1/5 ng mga present sa quorum ang pabor na isagawa ito.

Matapos ang viva voce voting o voice voting, idineklara ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu na nanalo ang ‘Ayes’ at aprubado na sa ikalawang pagbasa ng panukala.

Sumunod naman ang adjournment ng sesyon.

Sa susunod na linggo inaasahang aaprubahan na ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.

Ayon sa panukala, ang death penalty ay ipapataw sa mga drug related crimes.

Read more...