NGAYON mahihimasmasan si Jim Paredes dahil sa pinaggagagawa niyang panunugod-pagtalak-talak sa isang grupo ng mga kabataan nu’ng nakaraang Sabado sa selebrasyon ng People Power.
Ngayon niya mapagtatanto na mababalewala ang kanyang kayamanan dahil sa mga kasong isasampa ng Duterte Youth laban sa kanya—grave coercion at theft.
Tama lang ang unang asunto dahil kitang-kita naman sa kanyang viral video kung paano niya tinalak-talakan at halos surutin na ang mukha ng kaharap niyang binata, pilit pang pinaaalis ni Jim at ng kanyang mga kaalyado ang grupo, pero bakit kinasuhan siya ng theft?
Napakababaw ng dahilan. Inagaw kasi nila ang tarpaulin ng grupo, hinila-hila nila habang pinalalayas, pero hindi na nila ibinalik ‘yun.
Ang babaw, di ba? Pero kung tutuusin ay dapat lang talagang mabigyan ng leksiyon ang tumatandang singer-composer na ito na ang akala ay pagmamay-ari niya ang EDSA Shrine.
Dapat lang matuto si Jim Paredes ng leksiyon ng panahon, hindi niya dapat sinasaklawan ang paniniwala at paninindigan ng ibang tao, lalo na kung hindi naman siya inaabala at sinasaktan.
Hanggang ngayon ay pinupupog pa rin si Jim Paredes sa social media, ayaw man niyang kumain ng kahit anong mapakla ay wala siyang pamimilian, dahil mapait at mapaklang ampalaya at apdo ang isinusubo sa kanya ngayon ng mga kababayan nating nabastusan sa kanyang ginawa sa grupo ng mga kabataan sa EDSA.