SINABI ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na tinangka siyang barilin ng isang miyembro ng Maute terror group nang bumisita siya at nagbigay ng talumpati sa kanyang pinagtapusang paaralan sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Enero January 25.
Idinagdag ni dela Rosa na sobrang higpit ng kanyang seguridad kayat nagdesisyon ang salarin na wag nang ituloy ang misyon.
Sinabi pa ni dela Rosa na nagtanim pa ng mga bomba sa palibot ng campus bago ang kanyang pagdating.
“Merong isa sa kanila babaril sa akin. ‘Yung operation na ’yon ay supervised by one of the Maute group na nandun talaga sa venue ng aking pinuntahan,” sabi ni dela Rosa.
Idinagdag ni dela Rosa na napalibutan din siya ng mga mag-aaral kayat mas mahirap para siya asintahin ng miyembro ng Maute.
“Wherever I go, they go by the numbers. Sunod sunod sa akin. Nakadikit so hindi sila (Maute group) makapag operate. Aside from my personal security, ‘yun din ‘yung MSU community nagse-secure sa atin,” ayon pa kay dela Rosa.
Sa isang pagtitipon sa Silang, Cavite noong Martes, sinabi ni dela Rosa na nadiskubre ng mga pulis ang balak na pagpatay sa kanya matapos ang interogasyon sa isang suspek sa carnapping, na isang miyembro ng terror group.
Noong Pebrero 24, naaresto si Eyemen Alonte sa Iligan City dahil sa pagnanakaw ng kotse.
Kinumpirma ni Alonte na siya ay miyembro ng Maute group at gagamitin sana ang kotse sa paghahasik ng terorismo.
“Nanggagaling sa bibig mismo nung isang suspect na involved sa carnapping nu’ng sasakyan,” ayon pa kay dela Rosa.