INIUSOG ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng 2017 Palarong Pambansa mula sa dating ika- 10 hanggang ika-16 ng Abril ay sa Abril 23-29 na ito gagawin sa San Jose de Buenavista, Antique.
Ito ang sinabi ni Cezar Abalon, Director for Sports ng DepEd na pinabulaanan naman ang balitang kumakalat na gagawin na lamang na kada dalawang taon ang Palarong Pambansa.
“So far, the only change made is on the date because the original schedule of April 10 to 16, 2017 coincides with the observance of the Holy Week which will be from April 9 to 15, 2017,” sabi ni Abalon.
Tampok sa Palarong Pambansa ang ang mga pinakamahuhusay na estudyanteng manlalaro mula sa elementarya at high school mula sa 18 rehiyon ng bansa.
Ito naman ang unang pagkakataon para sa Province of Antique na magsilbing host sa 60-taong Palaro matapos maungusan ang Dumaguete City sa botohan ng Palarong Pambansa Selection Committee.
Ang dalawang probinsiya ang naiwan na bidder matapos na umatras ang Negros Occidental, Cebu at Iloilo City dahil sa kakulangan ng pondo para maging host ng isa sa pinakamalaking aktibidad sa sports sa bansa. —Angelito Oredo