Ang Probinsyano ni Coco patunay na may mabubuti pa ring mga pulis

coco martin
KAPAG walang laro ang Barangay Ginebra ay nakatutok kami sa Ang Probinsyano. Kapag commercial break ng seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin na may katagalan ay lumilipat naman muna kami sa HGTV, ang palabas kung saan kami nakapamumulot ng mga ideya sa pagpapalamuti ng bahay, hindi nasasayang ang aming panahon sa panonood.
Malaking problema sa amin kapag magkatapat ang laro ng paborito naming koponan sa PBA, saka ang serye ng Dos, dahil may mga napapalampas kaming eksena ng palabas.
Patalastas ang solusyon. Kapag break ng PBA, kunwari’y may tumawag ng time-out, du’n naman kami tumututok sa Ang Probinsyano. Kahirap!
Hindi namin nasimulan ang serye, mga huling buwan na lang nu’ng nakaraang taon namin ‘yun nasilip, pero sa minsanang panonood ay naadik na kami sa Ang Probinsyano.
Hindi kasi madaya ang serye, bukod sa maayos na ang daloy ng maaksiyong istorya ay ang dami-dami pang mga datihan at napapanahong artistang nandu’n, hindi babad ang mga eksena.
Magaling si Coco Martin. ‘Yun ang buhay na patunay na kapag mahal ng artista ang kanyang trabaho ay mas mamahalin siya pabalik ng kanyang propesyon.
May kamay si Coco sa pagbubuo ng kuwento ng serye, hindi lang siya basta artista ng palabas bilang si Cardo Dalisay, napupulsuhan niya kung anu-anong mga eksena pa ang kailangang idagdag para kumapal ang istorya.
Gustung-gusto ng mga kababayan natin ang kanilang tambalan ni Yassi Pressman, ang aktres na pinagpala dahil maganda na ay mahusay pang umarte, tumatawid ang pang-screen lang nilang pagmamahalan sa manonood.
Mabilis makakuha ng mga ideya ang mga sumusulat ng script ng Ang Probinsyano. Kakontemporaryo kasi nila ang panahon.
Salamin ng tunay na nagaganap sa ating lipunan ngayon ang mga ipinakikitang eksena sa serye.
Makatotohanan. Si Cardo Dalisay ang sumisimbolo sa kasabihan na marami mang bulok na alagad ng batas ay huwag namang lalahatin dahil may natitira pa ring tuwid at tapat sa kanilang tungkulin.

Read more...