Altas, Lady Stags, Brigadiers pasok sa NCAA beach volley finals

SUBIC Bay – Winalis ng University of Perpetual Help Altas, San Sebastian College Lady Stags at Emilio Aguinaldo College Brigadiers ang lahat ng kanilang laro upang agad tumuntong sa kampeonato at itulak sa stepladder semifinals sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng torneo ang labanan para sa men, women at juniors divisions ng NCAA Season 92 beach volleyball tournament na ginaganap dito sa gilid ng Subic Park Hotel.

Nabitbit din ng Altas, Lady Stags at Brigadiers ang dalawang beses na tataluning insentibo sa agad na pagtuntong nito sa kampeonato habang hinihintay ang makakasagupa sa stepladder semis na unang maghaharap ang No. 3 at No. 4 bago sagupain ng magwawagi ang naghihintay na nasa No. 2 puwesto.

Pinag-init naman ng sagupaan sa nagharap noong nakaraang taon sa kampeonato sa kababaihan na San
Sebastian at San Beda College ang ikaapat na araw ng torneo matapos ang 50 minuto na matinding pagpapalitan bago itinakas ng Lady Stags ang 2-1 pagwawagi kontra Red Spikers sa mga iskor na 33-31 at 21-14.

Ipinaliwanag ni tournament director Efren Gaa na ang iskor ng Lady Stags at Red Spikers na umabot sa 33-31 ang pinakamarami at pinakamatagal din na labanan sa pagitan ng mga koponan sa nakalipas na pagsasagawa ng sport sa pinakamatagal na liga ng mga unibersidad sa bansa.

Dahil sa kabiguan ay nahulog ang San Beda na binubuo ng kambal na sina Maria Jeziela at Maria Nieza Viray sa ikalawang puwesto sa 8-1 panalo-talong kartada kasunod sa ikatlong puwesto ang Perpetual Help nina Marjito Medalla at Maria Aurora Bianca Tripoli.

Napunta naman sa Jose Rizal University ang ikaapat at huling puwesto sa semis bunga ng mas mataas nitong puntos matapos magtabla-tabla ng tournament host Lyceum of the Philippines University at Arellano University sa kabuuang 5-4 panalo-talong karta.

Nagtabla ang tatlo sa point system sa unang tiebreak bago nakamit ng Lady Bombers ang 1.0128 points mula sa itinala nitong set points kontra sa Lady Chiefs (1.000) at Lady Pirates (0.0126).

Binigo naman ng Taneo brothers na sina Rey Jr. at Relan ang pareha nina Sam Damian at Alfredo Pagulong sa loob ng dalawang set, 21-17, 21-13, upang duplikahin ang nagawa nito noong nakaraang taon na pagwawalis sa eliminasyon at lumapit sa isang panalo na lamang para mauwi ang inaasam na korona.

“Naging motibasyon po sa amin iyung nakaraang taon na natalo kami sa finals. Pinag-aralan po namin kung paano maitatama iyung mga errors namin tsaka gumawa po kami ng paraan sa iba’t-ibang sitwasyon para po makuha namin kung sakali ang trophy,” sabi ng mga Cebuano na sina Rey Jr. at Relan.

Tinalo naman ng Lyceum nina Jhonel Badua at Joeward Presnede ang pares nina Bobby Gatdula at Zecharia Jan Sison ng Letran, 21-16, 21-12, para sa ikalawang puwesto sa 8-1 panalo-talong kartada.

Napunta sa nagtatanggol na kampeon na Mapua Institute of Technology ang ikatlong puwesto sa pamamagitan ng winner-over-the-other rule sa tinalo nito na Emilio Aguinaldo College matapos magtabla sa 6-3 panalo-talong kartada.

Winalis din ng koponan ng nagtatanggol na juniors champion EAC nina Francis Casas, Lasala, Rhoe Yean Lasala at Cee-Jay Hicap ang pitong laro sa eliminasyon upang maghintay sa makakatapat sa kampeonato.

Nagkaroon ng limang koponang pagtatabla sa ikalawang puwesto na kapwa may 4-3 panalo-talong karta kung kaya kinailangang resolbahan ng tatlong tiebreak system bago napunta ang ikalawang puwesto sa Letran, ikatlo ang Lyceum at ikaapat ang San Sebastian. Ang dalawa pa ay ang Arellano at Perpetual Help na nalaglag sa semifinals.

Read more...