RAMDAM ng buong bayan ang talim ng pinakawalang pahayag ni Senador Bong Revilla sa FB tungkol sa pagkadakip-pagkukulong kay Senadora Leila de Lima.
Maigsi lang ang emosyon ng nakapiit na aktor-pulitiko, pero tumatalab, “Ngayon, nararamdaman mo na rin kung ano ang nararamdaman namin nu’n, ng aming pamilya.”
Taong 2014 nang mapiit sa PNP Custodial Center sina Senador Bong at Senador Jinggoy Estrada. Kung anu-anong asunto ang ikinulapol laban sa kanila kaugnay ng pork barrel scam.
Ang nagpabilis ng proseso ng pagkukulong sa tatlong senador kasama si Manong Johnny Enrile ay ang Justice Secretary nu’ng panahong ‘yun na si Senator de Lima.
Hindi maaaring ikaila ‘yun, talagang napakasigasig ng mga Dilawan na makulong ang tatlong senador, dalawang taon at walong buwan na ngayon sa Custodial Center ang magkaibigang senador.
Umiikot ang gulong ng buhay. Hindi natin hawak ang bukas. Hindi natin alam kung ano ang magaganap sa mga susunod na pagkakataon. Kapalaran lang ang nakakaalam.
Ngayon ay nasa PNP Custodial Center na rin si Senator Leila de Lima. Hindi man sa mismong maliit na bakurang kinaroroonan ng dalawang senador ay isa lang ang markado.
Ang mga kamay na nagpabilis sa proseso ng pagkukulong sa dalawang senador ay nakagapos na ngayon. Pare-pareho na silang nakakulong. Magkakakosa na sila ngayon.
Kaya tama ang emosyon ni Senador Bong Revilla. Ngayon ay nararamdaman na ng kakukulong na senadora ang sakit ng damdaming dinanas nu’n ng mga pamilya nina Senador Bong at Senador Jinggoy.
Sabi nga ng mga becki, “It’s a tie!”