BINALIKAN ng Kapuso comedian na si Tammy Brown ang kanyang pinagmulan at kung paano siya nagtagumpay bilang isang stand-up comedian sa huling episode ng “ShowbizLive” (Inquirer TV/Radio, 8 p.m.) last Wednesday.
Ikinuwento ng komedyante sa mga host ng programa na sina Ervin Santiago at Izel Abanilla kung paano siya nagsimula sa mga comedy bar hanggang maging YouTube sensation at ngayon nga ay napapanood na sa mga show ng GMA 7.
“Bago nga ako naging isang stand up comedian, sa isang city, sa San Pablo, Laguna may isang party na-invite ako tapos kumanta ako. May isang komedyante rin pala ang nandu’n.
“Sikat siya. Walang iba, napakaganda, mahahaba ang biyas, matangkad na bakla po siya na si Atak. Sabi niya, sinong babae yung kumakanta tapos pagtingin niya sa akin, bakla pala at may potential,” pagsisimula ni Tammy.
Niyaya raw siya ni Atak na magpunta ng Maynila para mag-try sa mga comedy bar. Highschool pa lang daw ay talagang mahilig nang magpatawa si Tammy. Mahilig din siyang gumaya ng mga boses ng mga diva tulad nina Vina Morales, Lani Misalucha at ng idolo niyang si Regine Velasquez na kasama na nga niya ngayon sa comedy musical show ng GMA na Full House Tonight. Pati mga personalidad tulad nina Manny Pacquiao, Dionisia Pacquiao at maging si Angel Locsin ay kaya niyang gayahin.
Nagpasampol pa nga si Tammy sa “ShowbizLive” na talagang ikinatuwa at ikinahagalpak ng mga host at ng mga supporters ng programa. Pak na pak ang kanyang panggagaya kina Angel, Pacman at Mommy D.
Nire-research daw talaga ni Tammy ang panggagaya at talagang inaaral niya ang kilos, galaw at pananalita ng mga ginagaya niya. Dahil nga sa hilig niya sa panggagaya nabuo ang viral video niya ng iba’t ibang version ng kantang “Tatlong Bibe”.
Sa pagluwas niya sa Maynila ipinakilala raw siya ni Atak sa mga may-ari ng iba’t ibang comedy bars. Naging asset niya ang pagkakaroon ng magandang boses bukod pa sa pagkokomedya. Nagkaroon din siya ng pagkakataon na hasain ang kanyang talento sa pamamagitan ng workshop. Doon natuto siya kung paanong magpatawa nang hindi nakaka-offend o nakakabastos na nagagamit niya ngayon sa mundo ng telebisyon.
“Hanggang sa nagtuloy-tuloy na siya, ang dami kong natutunan. Nagkaroon ako ng mga regular na gigs sa Punchline at sa Laughline comedy bars,” aniya pa.
Hindi aniya basta-basta o madali ang maging stand-up comedian. Ikinumpara rin niya ito sa pag-aartista, patuloy lang dapat ang praktis at workshop. Kailangan din daw na updated ka sa mga balita para madaling makagawa ng jokes na makakasakay o makaka-relate ang mga manonood.
“Hindi ganu’n kadali ang stand-up comedy. Marami kayong pagdadaanan, ‘yang ganyan workshop. Hindi ito basta-basta na trabaho,” ang advice niya sa mga “baklet”, o ‘yung mga baguhang stand-up comedians.
Dream come true naman ang pagkakataon na makatrabaho niya ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez sa bago nitong show na Full House Tonight.
“Alam mo parang gusto kong maiyak na kinikilig ako. Para akong nasa heaven. Kasi bata pa lang ako natuto akong kumanta ng kanta niya at siya lang ‘yung kilala kong artistang kumakanta noon,” sabi ni Tammy.
Sa usaping puso may rebelasyon si Tammy Brown, aniya natikman na raw niya lahat ng klase ng relasyon – mula sa lalaki, babae, bading at lesbian.
“Alam n’yo ito ha, malaking rebelasyon ito. Ito pong nakikita n’yo sa akin ito po ay trabaho lang. Hindi po ako bakla.” Ipinaliwanag niya na siya yung tipo ng bading na hindi matiyaga sa lalake.
Matagal na siyang walang boyfriend, noon pang bago siya pumasok sa mga comedy bar pero nang magtrabaho na siya roon ay may mga nagpaparamdam sa kanya, but wait, hindi raw mga lalaki ang nagpapahaging sa kanya kundi mga babae at lesbian.
Hindi rin daw niya maintindihan kung ano ang nakita sa kanya ng mga ito at gusto siyang maging dyowa. Siguro raw ay dahil sa kanyang inner beauty.
Posible daw na in the future ay babae ang makatuluyan niya at okay lang din kung ibibigay niya lahat ng kikitain niya sa magiging misis niya basta raw aalagaan nila ang isa’t isa.
Naniniwala kami na malayo pa ang mararating ni Tammy Brown dahil sa kanyang talento at kabaitan.