NAGING show of force sa pagitan ng mga lumahok sa paggunita ng ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power at mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring mga pagkilos kahapon kung saan mas marami ang dumalo sa rali para kay Digong imbes na sa pagdiriwang ng Edsa Revolution.
Idineklarang non-working holiday ang pagdiriwang ng People Power 1 kayat inasahan na mas maraming makakadalo sa paggunita nito lalo pa’t ito ay natapat sa araw ng Sabado.
Ngunit gaya ng inaasahan, napakaluwag ng mga kalye kahapon at mas kaiga-igaya para sa mga demonstrador ang pakikilahok sa anibersaryo ng EDSA Revolt.
Tanging mga organisadong mga grupo lamang ang nakiisa sa pagdiriwang ng People Power.
Kaya hindi tuloy maiiwasang itanong kung buhay pa nga ba ang diwa o magic ng EDSA kung saan napahanga noon ang buong mundo sa payapang pagkilos ng Sambayanang Pilipino.
Hindi rin masisisi ang mga Pinoy na mas gugustuhin pa nilang ilaan ang araw ng holiday sa mga mall o kaya’y manatili na lamang sa kani-kanilang mga bahay kaysa lumabas at makiisa sa pagdiriwang ng EDSA 1.
Kapag kasi tinanong ang mga ordinaryong tao, ang kanilang masasagot ay mga mayayaman lamang ang nakinabang sa EDSA 1 at nabalewala rin ang mga mahihirap na Pinoy.
Ika nga nagsawa na ang tao sa EDSA 1.
Bukod sa pagdiriwang ng People Power, isinagawa rin ang rali Luneta para ipakita ang pagsuporta kay Pangulong Duterte sa harap naman ng mga isyung kinakaharap ng presidente.
Hapon na nag-umpisa ang pagkilos ng mga pro-Duterte sa Rizal Park at habang isinusulat ang kolum na ito ay inaasahang darami pa ang mga makikiisa sa pagkilos.
May mga ulat kasi na tangkang pagpapatalsik kay Duterte, bagamat hindi naman ito kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa nangyaring pagkilos kahapon, iisa lamang ang napatunayan, ito ay tila limot na ng karamihan ang diwa ng People Power Revolution, samantalang patuloy pa rin ang pagpapakita ng suporta kay Digong.
Sa mga ordinaryong mamamayan na matagal na naghintay ng pagbabago at nagkaroon lamang ng pag-asa sa mga pangako ni Pangulong Duterte, hindi natin masisisi na magpakita ng suporta sa kasalukuyang administrasyon.
Malapit kasi sa bituka ng mas ang peace and order at ang isyu ng droga kayat napakalaki pa rin ng pananalig ng karamihan ng mga Pinoy na hindi sila bibiguin ni Pangulong Duterte.
Sa ipinakitang mga pagkilos kahapon, isa pa rin ang napatunayan natin, buhay na buhay ang demokrasya sa ating bansa kung saan malaya ang bawat isa na magpahayag ng kanilang posisyon at saloobin.
Ang mahalaga lamang ay sa kabila ng magkaibang pananaw, dapat ay maging parte pa rin ang bawat isa ng pagbabago at pag-unlad ng bansa para maiangat ang kalagayan lalu na ng mahihirap na mga Pilipino.