Bagsak sa medical pauuwiin

HINDI garantiya sa isang OFW na kapag siya ay pumasa na sa medical, makakakuha na ng sertipikasyon na siya ay medically fit.

Minsan, nakalabas na ng bansa at kahit nakapagsimula na nang trabaho, iisipin niyang wala na siyang problema.

Pero may mga bansa kasing patuloy na nagsasagawa ng medical check up sa mga dayuhang pumapasok ng kanilang bansa, gaya na lang ng Jordan.

Kamakailan, may 62 OFW na napasama sa mga dayuhang manggagawa roon na pauuwiin pabalik sa kani-kanilang mga bansa dahil sila ay idineklarang medically unfir ng Ministry of Health.

Kasama ang 62 OFWs sa 457 foreign workers doon na pauuwiin.

Ang kaso, wala pang natatanggap na notice of repatriation ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA kung kaya hindi matiyak kung anong petsa sila pauuwiin.

Humigit kumulang sa 15,000 ang mga Pinoy sa Jordan. Nakitaan ang 62 OFWs ng mga sakit gaya ng Hepatitis B, Tuberculosis at HIV/AIDS.

Pinaninindigan naman ng POEA na dapat sagutin ng mga recruitment agency na nagpaalis sa ating mga kababayan ang gugugulin sa kanilang repatriation cost.

Tiyak labis na kalungkutan ang nadarama ng mapapauwi nating mga OFW. Hindi lamang sila kundi maging ang mga kamag-anak na umaasa sa kanilang pag-aabroad.

Malaki rin ang pananagutan ng mga klinikang nagbigay ng sertipikasyon sa ating OFW na sila ay medically fit gayong hindi naman pala.

Papapanagutin sila sa kanilang sinasadyang mga ilegal na gawain. Sa ilalim ng batas, ang inamyendahang RA 1022 o Migrant Workers Act, ang mga klinikang ito ang pagbabayarin sa repatriation cost at maaari pang maipasara ang kanilang mga klinika dahil sa dinayang mga dokumento.

Malaki ang papel na gagampanan ng katapatan sa panig ng ating mga OFW. Dahil dapat lamang na huwag silang pumayag na ideklarang medically fit kung alam naman nilang may sakit sila at hindi talaga pumasa sa medical exam.

Mas mabuting magpagamot na muna at kapag wala na talagang sakit, saka na lamang umalis ng bansa.

Kaya lang, katulad nang madalas na kuwento ng ating mga kababayan, ipagpipilitan talaga nilang makapag-abroad kahit pa maglagay na lamang sila o suhulan pa nga ang naturang mga klinika, makaalis lamang.

Sana naman huwag ipagpilitan ito ng ating mga OFW, dahil sa bandang huli, mahuhuli at lalabas din ang katotohanan na may sakit sila kapag ang gobyerno na mismo ng bansang iyon ang siyang magsagawa ng mandatory medical check up sa kanilang mga foreign workers. Hindi iyong maaaring tanggihan o ayawan ng ating mga OFW. Huwag na sanang maging katuwiran ang “Bahala na” basta makaalis lamang.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyeres, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) may audio/video live streaming www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...