NITONG nakaraang Lunes ay ginulat tayo ng isang balita kung saan isang tour bus sakay ang mga estudyante na magpupunta sana sa isang educational field trip ay naaksidente at namatay ang 14 na kabataan kasama ang driver ng bus.
Nakalulungkot ang balitang ito dahil ngayon ay tila umiilag sa responsibilidad ang paaralang Best Link Academy at itinuturo ang bus company na siyang dapat managot sa aksidente.
Hindi ko maintindihan ang sinasabi ng paa-ralan na responsibilidad ng bus company ang aksidente, at pagkamatay at pagkasugat ng mga estudyante nila gayong sila ang nagplano, nag-asikaso at nagpatupad ng field trip ng mga bata. Kung hindi rin pala nila aakuin ang obligasyon ay bakit gumagawa pa sila ng field trips.
Huwag po kayong malito. Ako po ay naniniwala sa field trip na isa sa mga educational tools na dapat gamitin ng mga mag-aaral at paaralan upang mas mapalawig ang edukasyon, kaalaman at experience ng mga kabataan.
Ang hindi ako sang-ayon ay ang naging practice ng mga paaralan na kumuha ng mga private bus companies upang sunduin at ihatid ang mga mag-aaral nila upang maalis sa kamay nila ang responsibilidad kapag may nangyari sa mga bata sa lansangan.
Noong kabataan ko ay mandato ng bawat paaralan na magkaroon ng isang fleet ng school bus para sa pagbibiyahe ng kanilang mga estudyante kung kinakailangang lumabas ng paa-ralan ang mga ito.
Ang mga school bus na ito ay mayroong safety specifications na itinakda ng batas upang masiguro na ang mga bata ay ligtas habang nakasakay rito at ang mga sasakyan sa paligid nila ay makikilala na mga batang mag-aaral ang sakay kaya dapat mag-ingat sa paligid ng bus.
Kasama sa specifications na ito ay kulay dilaw ang bus na may itim na guhit sa gilid at ang mga katagang “SCHOOL BUS” na nakatatak ng malaki sa gilid ng bus. Mayroon din dapat impact bars sa gilid ng bus upang saluhin ang tama ng bangga sakaling mangyari ito. At malaking “emergency exit” door sa likod ng bus na maa-ring daanan ng mga bata palabas in case of emergencies.
Dahil mula labas hanggang loob ay pawang para sa mga estudyante ang mga gamit at accessories na nakakabit sa bus malalim ang pagkakatanim ng impormasyong ito sa driver na magtitiyak na ligtas ang kanyang pagmamaneho.
Sa ganitong paraan, lahat ng school bus nasisiguro na ligtas ang sakay nito at maging ang mga motorista sa paligid niya ay sinisiguro ito.
Idagdag na natin na mas madaming mag-aa-ral ang sakay ng isang bus, mga 40 noong panahon ko, na mas pinaluluwag nito ang mga lansangan sa mga paaralan dahil nababawasan ang mga kotseng naghahatid sa kanila.
Kaya lang, bakit nawala ang mga school bus na ito? Napalitan pa ng mga school service na maliliit na sasakyan na kaskasero pa ang mga driver.
Paano magiginhg ligtas ang mga kabataang mag-aaral natin kung ganito ang practice ngayon?