Pacquiao versus Khan kinakasa

MUKHANG matutuloy ang sagupaan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Amir Khan ng Great Britain.
Ito ay kung pagbabasehan ang official Twitter feed ni Pacquiao na sinabing, “My team and I are in negotiations with Amir Khan for our next fight. Further announcements coming soon.”

Bago ito ay sari-saring balita ang kumalat kung sino ang susunod na makakalaban ng WBO welterweight champion na si Pacquiao at kung saan ito gaganapin.

Noong isang buwan, sinabi ng American promoter ni Pacquiao na si Bob Arum na si Jeff Horn ng Australia ang “next in line” kontra Pacquiao at gaganapin ito sa Abril sa Australia.

Pinabulaanan nito ng mga taong nakapaligid kay Pacquiao at sinabing hindi pa talagang kasado ang Pacquiao-Horn.

Malamig ding tinanggap ng mga Pacquiao fans ang balitang ito lalo pa’t hindi gaanong kilalang boxer si Horn.

Ayon sa AFP news agency, isang business adviser ni Pacquiao na may palayaw na “Pac-man” ang nagsabi na ang next opponent ni Pacquiao ay malamang si Khan at isasagawa ito sa Dubai.

Hindi ito kinumpirma ng mga “aides” ni Pacquiao.

Noong Pebrero 11 ay nag-tweet si Pacquiao na “See you in UAE for my next fight. #TeamPacquiao”.

Nag-post din siya ng online poll sa kanyang Twitter feed para tanungin ang mahigit 108,000 niyang followers kung sino sa mga sumusunod ang gusto nilang makalaban ni Pacquiao: Horn, Khan, American Terence Crawford o Briton Kell Brook.

Tinanggal na sa Twitter ang naturang poll at hindi isinapubliko ang resulta.

Noong isang taon, inanunsiyo ni Pacquiao ang kanyang retirement sa pro boxing pero makalipas ang ilang buwan ay nagdesisyon itong lumaban muli at nanalo kontra Jessie Vargas sa Las Vegas noong Nobyembre.

Idinahilan ni Pacquiao na nais niyang tutukan ang kanyang trabaho bilang “public servant” sa kanyang pagretiro sa boxing.

Read more...