Beermen, Gin Kings sisimulan ang Philippine Cup Finals duel

 

JUNE MAR FAJARDO VS LA TENORIO

JUNE MAR FAJARDO VS LA TENORIO

Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra

MAGKAIBA ang motibasyon ng Barangay Ginebra at nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer na maglalaban para sa korona ng 2017 PBA Philippine Cup umpisa ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Asam ng San Miguel Beer na masungkit ang ikatlong sunod na Philippine Cup title upang maduplika ang kasaysayan bilang ikalawang koponan na nakapag-uwi sa perpetual Emilio ‘Jun’ P. Bernardino, Jr. trophy matapos ang TNT KaTropa noong 2010-11 hanggang 2012-2013 season.

Hangad din ng Beermen na makabawi sa nalasap na kabiguan sa best-of-five semifinals ng 2016 PBA Governors’ Cup kung saan inuwi ng Gin Kings ang titulo.

Tangka naman ng Gin Kings masungkit ang ikalawang sunod nitong korona at matatluhan ang kapatid na Beermen sa kabuuang paghaharap sa playoffs o madalawahan sa panlima nilang pag-aagawan sa korona sa Finals.

Matatandaan na huling nagtagumpay ang pinakapopular na PBA ballclub sa ikaapat na pagtutuos ng dalawa sa kampeonato noong 2006-07 Philippine Cup at matighaw ang mahigit isang dekadang pagkauhaw sa All-Filipino conference title.

Dahil dito kaya inaasahang magiging maigting ang muling paghaharap ng magkapatid na koponan.
“Sister teams nga kami sa SMC Group, pero hindi maiiwasan na magkapisikalan pa rin kami,” sabi ni San Miguel Beer team captain Arwind Santos. “Simula Day One pa lang, inaantay na namin ang Perpetual Trophy.”

Gayunman, sadyang determinado ang Barangay Ginebra na patunayang kaya nitong muling magwagi.

“We want to prove we can win it again,” sabi ng isa sa dalawang nalalabing player ng huling all-Filipino championship team ng Gin Kings na si Mark Caguioa. “We’re excited going up against San Miguel. They’re going to be a handful for us but we’ll be ready.”

Read more...