SI Pangulong Digong ay “psychopathic serial killer” at “No. 1 criminal” sa mga mata ni Sen. Leila de Lima.
Matatawag mo bang “psychopathic serial killer” ang isang lider na nagdala ng kapayapaan sa Davao City na noon ay isang no man’s land dahil maraming mga masasamang-loob na nambiktima ng mga mamamayan ay napatay?
Ano ang mas mahalaga sa iyo—ang buhay ng mga magnanakaw, akyat-bahay, mamamatay-tao, rapists, kidnappers at drug pushers, o yung buhay ng mga mamamayan na sumusunod sa batas?
Anong ginawang krimen ng Presidente para tawagin siyang “No. 1 killer?”
Ang mga ulat na krimen na diumano’y ginawa ni Mano Digong ay sabi-sabi lamang; hindi pa siya nasampahan ng anumang kaso sa korte.
Sino ang pumupukol ng paratang kundi isang tao na inuusig na ng kanyang nakaraan dahil diumano’y pagbigay proteksiyon niya sa mga convicted drug lords sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa at pagtanggap niya ng campaign funds sa mga ito?
Hayaan na natin ang paratang na siya’y nakipagtalik sa isang preso sa “Munti”—kauna-unahang justice secretary na gumawa niyan—at sa kanyang drayber dahil iyan ay mga personal na bagay at wala tayong pakialam.
Ngayon, mag-usap tayo ng masinsinan.
Sino ang pipiliin mo, ang isang lider na nagliligpit ng mga masasamang loob o yung nagpoprotekta ng sindikato ng iligal na droga?
Bakit bubuksan ng Senado ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng retiradong pulis na si Arthur Lascanas tungkol kay Pangulong Digong samantalang sinabi niya noong 2016 na walang Davao Death Squad o DDS?
Pawang kasinungalingan lang daw ang mga paratang na maraming pinapatay na mga kriminal ang noon ay Davao City Mayor Digong Duterte?
Kung nagsinungaling si Lascanas noon ay walang dudang magsisinungaling pa rin siya sa susunod na hearing ng Senado.
Naglabas ng litrato ang INQUIRER ng mga diumano’y mga lider ng katutubo sa Surigao del Sur na apektado sa utos ni Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez na isara ang mga minahan sa mga watershed areas.
Nilalakad ng mga lider (daw) ng katutubo na huwag ma-confirm si Gina Lopez sa Commission on Appointments.
Ipupusta ko ang lahat ng aking pera na mga huwad o fake ang mga nagsasabing sila’y mga katutubo. Sila’y binayaran lamang ng mga mining companies.
Sa litrato, ang kanilang katutubong kasuotan ay mga bago at sila’y hindi bilad sa araw kundi mga nagsa-sunblock na mga taga lowland.
Dalawa pa nga sa kanila ay may sunglasses na nakasabit sa kanilang ulo.
Ang mga tunay na katutubo ay hindi nagsusuot ng mga sunglasses.
Sa mga galit kay Gina Lopez dahil sa kanyang kampanya laban sa irresponsible mining o pagpapatayo ng minahan sa mga watersheds, tingnan ninyo ang nangyari sa probinsiya ng Marinduque.
Matagal nang nagsara ang Marcopper, isang Canadian mining company, pero iniwan nito ang Marinduque na naghihirap.
Ang mga bata ay hindi na puwedeng lumangoy o maligo sa mga ilog at ang mga mangingisda ay malayo sa dalampasigan ang kanilang pangingisda dahil sa mga dumi o mine tailings na iniwan ng Marcopper.