Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Barangay Ginebra vs Star (Game 7)
MAGHAHARAP sa huling pagkakataon ang Star Hotshots at Barangay Ginebra Gin Kings para sa ikalawang silya sa kampeonato sa matira-matibay na Game 7 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series ngayong gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nakatakda ang do-or-die na salpukan sa pagitan ng Gin Kings at Hotshots ganap na alas-7 ng gabi.
Sinandigan ng Gin Kings si Joe Devance na naghulog ng kanyang 10 puntos sa 18-8 atake sa loob ng walong minuto sa ikatlong yugto sa Game 6 upang itala ang 91-67 panalo noong Linggo para hatakin ang kanilang semifinals series sa isang sudden-death Game 7.
“Joe has been an inspiration for us in that third quarter,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone patungkol kay Devance matapos na maipuwersa ang winner-take-all match. “It’s really really tough it seems we have the energy today.”
Inaasahang sasandigan muli ng Gin Kings ang maingay nitong tagasuporta na umabot sa 18,062 manonood sa Game 6.
Ang kabuuang bilang ng mga nanood ang ikalawang pinakamarami sa 42nd season-opening all-Filipino conference kung saan huling dinumog ang Christmas Day showdown ng dalawang koponan sa Philippine Arena ayon kay league statistician chief Fidel Mangonon III.
Nagawa pang iangat ng reigning Governors’ Cup champion sa huling yugto ang kalamangan sa 26 puntos na abante mula sa 2-point basket ni Raymon Jamito.
Bagaman nakuha ng Gin Kings ang momentum at makakaasa nang buong suporta ulit sa kanilang mga die-hard fans ay ayaw pakasiguro ni Cone at iginiit na kung sino ang mas gustong manalo ang siyang papalarin.
“Basically Game 7 is anybody’s game, whoever comes out and have a better night is gonna win,” sabi pa ni Cone. “Game 7 is always a players’ game. All boils down to who wants it more.”
Nanguna sa Gin Kings si Sol Mercado na may 21 puntos habang naka-double-double si Japeth Aguilar sa 11 puntos at 10 rebounds at nag-ambag ng 19 puntos si LA Tenorio at 11 pa kay Jervy Cruz.