Walang utang na loob sa Edsa

NAGDAANG parang hangin ang ika-17 anibersaryo ng Edsa Dos noong Enero. Walang nakapansin, walang nakaalala.
Kung ang pangyayaring politikal na naganap mula Enero 17-20, 2001 ay wala nang kaugnayan sa buhay mga Pinoy dahil bigo ang diwa nito, bakit kailangan pang alalalahanin at gawing pambansang holiday ang People Power Revolution na naganap din sa Edsa mahigit 30 taon na ang nakararaan gayung di rin natupad ang mithi nitong pagbabago?
Kunsabagay, taon-taon naman ay pakonti na nang pakonti ang nagtutungo sa Edsa tuwing ika-25 ng Pebrero para alalahanin ito. Ang tila walang sawa na lang umaalala rito ay mga taga-Liberal Party at ang pamilya Cojuangco-Aquino, na itinuring na pag-aari ang Rebolusyon ng ‘86.
Ilang taon pa mula ngayon ay asahan nang matutulad sa karera ng aktres/TV host at presidential daughter/sister na si Kris Aquino ang komemorasyon ng Edsa Uno—laos, kinasawaan ng publiko at kahit anong pagpapansin ay wala nang tumatangkilik.
Aminin man o hindi ng mga propagandista ng mag-inang pangulong Cory at Noynoy Aquino, malaking kabalintunaan ang naging pamamalakad ng dalawa sa paraan kung paano sila iniluklok sa puwesto—ang ina, dahil sa mapayapang rebolusyon na naging matagumpay dahil sabik sa pagbabago ang tao at ang anak, dahil sa pagkamatay ng ina na itinuring na simbolo ng katahimikan at pagkakaisa.
Sa pamumuno ng mag-inang Aquino at ng LP sa Kongreso ay nagpatuloy lamang ang korapsyon dahil sa “Kamag-anak Inc” ng una at “Kaibigan, Kaklase at Kabarilan” ng ikalawa kung saan nagkamal ng milyon-milyon mula sa mga kontrata ng pamahalaan at proteksyon sa mga negosyante ang kanilang mga tauhan, ang mataas na bilihin, pagiging talamak ng kriminalidad at droga, at paghihikahos ng mahigit kalahati ng populasyon.
Sa pagitan ng mag-inang Aquino ay ilang uri ng paninikil na tinangkang pagtakpan ang naranasan ng taumbayan: mahigit 800 desaparecidos, mahigit 1,000 kaso ng extra-judicial killings, mahigit 20,000 biktima ng ilegal na pag-aresto na detensyon, at aabot sa 1.5 milyon na residente na nawalan ng tahanan dahil sa operasyon ng militar.
Pero ang masahol ay kung paano sinagka at sinagot ng mag-ina ang mga pagbubuklod at pagkilos sa kalsada ng mga Pinoy na may hinaing.
Malinaw ito sa naganap sa Mendiola noong Enero 22, 1987 kung paano niratrat ng pulis at sundalo ang mga magsasaka na humihiling kay Cory ng repormang agraryo na nagresulta sa pagkamatay ng 13 demonstrador at pagkasugat ng 51 iba pa.
Malinaw rin ito noong Pebrero 25, 2014 nang harangin st pigilan ng batalyon ng mga pulis ang ilang grupo, na kritiko ni Noynoy, na nagtungo sa Edsa upang magsagawa ng interfaith prayer rally sa Edsa Shrine.
Kabalintunaan kung paano nagawa ng mag-ina ang mga bagay na kanilang kinokondena sa mga lider na kanilang sinundan, na parang nakalimutan nila ang utang na loob sa publiko na noon ay sumugod para sa kanila sa Edsa.
Kaya di nakapagtataka na makaraan ang 31 taon ay malapit nang mapugto ang sumisinghap-singhap ng apoy ng Edsa.

Read more...