SA Mayo na nakatakdang sumipa imbes na Abril ang 2017 SEABA Championship na iho-host ng Pilipinas na siyang paboritong magwagi ng titulo.
Ito ang inanunsyo Sabado ng businessman at masugid na taga-suporta ng Gilas Pilipinas na si Manny V. Pangilinan sa kanyang Twitter account.
“It’s final. #LabanPilipinas and Gilas time again! SEABA in Manila, May 12-18 at Araneta. Led by Smart, TV5, and Meralco. #PUSO,” saad ni Pangilinan sa kanyang account na @iamMVP.
Gaganapin ang nasabing regional tournament sa Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum na magsisilbing qualifier para sa 2017 Fiba Asia Cup.
Kasalukuyang binubuo ang Gilas Pilipinas ng 24-man pool mula sa PBA kung saan 12 dito ay Gilas cadets at mga rookies bukod pa sa mainstays na sina three-time PBA MVP June Mar Fajardo at Asia’s best point guard Jayson Castro na magbabalik tour of duty matapos magretiro sa pambansang koponan.