Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. Brgy. Ginebra vs Star (Game 6)
NAKAPUWERSA ang San Miguel Beermen ng sudden-death Game 7 matapos durugin ang TNT KaTropa Texters, 104-88, sa Game 6 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Kumawala ang Beermen sa ikaapat na yugto sa pangunguna ng three-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na gumawa ng 23 puntos, 21 rebounds at apat na blocks para iuwi ang krusyal na panalo.
Ito rin ang ika-11th career 20-20 game ni Fajardo, na pinakamarami mula sa isang local player sa kasaysayan ng liga.
“We had a good fourth quarter because we gained momentum at the end of the third quarter,” sabi ni San Miguel Beer head coach Leo Austria, na ang koponan ay nakabangon buhat sa 12 puntos na pagkakaiwan.
Ang Game 7 ay gaganapin Lunes ng gabi sa MOA Arena.
Samantala, pilit na susungkitin ng Star Hotshots ang importanteng ikaapat at kailangang huling panalo upang magbalik muli sa kampeonato kontra sa inaasahang aatake na Barangay Ginebra Gin Kings sa Game 6 ng kanilang semifinals series ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Itinakda ang natatanging laro ganap na alas-6:30 ng gabi kung saan hawak ng Star ang abante sa 3-2 panalo-talong karta sa sarili nitong serye para sa isang silya sa kampeonato ng pinakaprestihiyosong korona sa tanging propesyonal na liga ng basketball sa bansa.
Nagtulung-tulong para sa pinagsamang kabuuang 49 puntos sina Rafi Reavis, na inihulog ang walo sa huling 12 puntos ng mga Hotshots, kasama sina Mark Barroca, Paul Lee at Allein Maliksi upang makatakas sa magkasunod nitong nalasap na kabiguan sa pagtakas sa 89-80 panalo sa Game 5 noong Biyernes ng gabi.
Sasandigan ng Star ang momentum at kumpiyansa na maisakatuparan nito ang pinakaultimong hangarin at magbalik sa finals na pinakauna nito matapos iwanan ng ngayon ay coach ng Gin Kings na si Tim Cone.
Matatandaang nagwagi ang Star ang Game 1 (78-74) at Game 2 (91-89) bago bumalikwas ang Barangay Ginebra sa Game 3 (73-62) at Game 4 (93-86).
“Alam naming babalik sila sa Game 6. Coach Tim Cone is a genius. Mag-aadjust sila for sure kaya paghahandaan din namin. Kailangan namin focus pa rin. I hope ‘yung positive attitude namin nandoon pa rin,” sabi ni Hotshots coach Chito Victolero.
Bagaman sanay na sa gipit na katayuan na lalo nagpapadeterminado’t agresibo sa miyembro lalo na kapag knockout games na nagtulak dito bilang most popular ballclub sa pro league ay aminado ang Gin Kings na nasapawan sila ng sister team sa huling laro matapos maghabol sa ikatlong yugto sa 17 puntos.
“Give all the credit to Star. They outcoached us and outplayed us and outhustled us. It looked like we hit the proverbial wall. We just didn’t have a lot of gas in the tank. It happens,” sabi ni Cone. “But we expect to be better next time out and push this series to a game 7. Another do-or-die game for us – what else is new?”