MAHIGIT pitong buwan na ang administrasyon sa puwesto ngunit tila wala pa ring pag-unlad sa Communications Group ng Palasyo.
Kung dati ay iba ang sinasabi ng mga tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang sinasabi, lumala pa ngayon dahil maging ang inihahayag ng kanyang mga spokesperson ay magkakataliwas, na nagbibigay ng kalituhan sa publiko, imbes na makapaglinaw sa mga isyu.
Gaya na lamang ng isyu hinggil sa naging pahayag ni Pangulong Duterte nang bisitahin niya ang mga sinalanta ng 6.7 na magnitude na lindol sa Surigao.
Bisaya ang naging talumpati ni Pangulong Duterte kaya maging ang mga miyembro ng media ay nahirapang intindihin ang naging pahayag ng presidente.
Sa mga nakaintindi sa talumpati ni Pangulong Duterte sa Bisaya, may binabanggit siya na P2 bilyon.
At dahil hindi naiintindihan ng halos karamihan ng mga mamamahayag, tinanong nila ang mga tagapagsalita ni Pangulong Duterte kung ano ang ibig sabihin ng kanyang talumpati. Unang tinanong si Communications Secretary Martin Andanar hinggil dito at ayon sa kanya, ang P2 bilyon ay para sa mga manggagawa sa mga minehan na apektado ng kautusan ni Environment Secretary Gina Lopez matapos ipasara ang mga mining operation sa bansa.
Kinontra naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang naging pahayag ni Andanar sa pagsasabing para sa mga biktima ng lindol sa Surigao ang P2 bilyong ipinangako ni Duterte.
Lumalabas tuloy na hindi nag-uusap maging ang mga tagapagsalita ni Duterte kaugnay ng mga inihahayag nilang.
Hindi tuloy maiwasang magtanong ang mga mamamahayag kung may alitan ba sa pagitan ni Andanar at Abella o talagang hindi lang magkakapareho ang sinasabi ng mga opisyal na tagapagsalita ni Pangulong Duterte.
Imbes tuloy na naliwanagan ang isyu, lalu tuloy nagdulot ng kalituhan ang ginawang pagkakaibang pahayag nina Andanar at Abella.
Nakakatawa pang isipin na noong una’y sinisi pa ni Andanar ang mga miyembro ng media sa umano’y maling interpretasyon ng mga pahayag ni Pangulong Duterte pero ngayon ay mismong ang mga source ng impormasyon ng mga mamamahayag ang siyang nagbibigay ng maling interpretasyon ng mga policy statement ng presidente.
Dahil magkaiba ang paliwanag nina Andanar at Abella, lumalabas na isa sa kanila ang mali sa kanilang naging pahayag.
Para maiwasan ito at hindi lumabas na katawa-tawa ang Communicatios Group ni Pangulong Duterte, hindi kaya maganda na mag-usap muna sila o hindi kaya ay isa na lamang ang magsalita sa kanilang dalawa.
Lumalabas tuloy na maging ang mga tagapagsalita ni Pangulong Duterte ay walang direktang alam sa kung ano ang inihahayag ng presidente.
Sa bandang huli, baka naman isisi pa rin ni Andanar sa media ang kapalpakan nilang dalawa ni Abella. Nagtatanong lang naman.
Imbes kasi puro blogger ang pinagkakaabalahan ni Andanar, gawin muna kaya niya ng epektibo ang kanyang tungkulin.
Kahit anong pagnanais ng Malacanang na mapanatili ang napakataas na trust rating ni Pangulong Duterte, kung mismong mga tagapagsalita niya ang nakakapagpapangit ng kanyang imahe ay balewala rin.
Swerte lang sina Andanar at Abella dahil popular si Pangulong Duterte, na sa kabila ng kanilang kapalpakan ay marami pa rin ang mga tagasuporta ng pangulo.
Malamang magigising lamang ang Communications Group ng administrasyon kung patuloy na bababa ang popularity rating ng pangulo.