Star pinayuko ang Ginebra sa Game 5, lumapit sa finals berth

PBA-Images-812

LUMAPIT ang Star sa inaasam na silya patungong finals matapos payukuin ang Barangay Ginebra, 89-80, Biyernes ng gabi sa Game 5 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals showdown sa Mall of Asia Arena.

Umiskor si Rafi Reavis ng 17 puntos, kumolekta ng 13  rebounds at  sumupalpal ng dalawang beses upang pangunahan ang Hotshots na kunin ang mahalagang 3-2 series lead at makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng Gin Kings na itinabla ang serye noong Miyerkules.

Tumapos naman si Mark Barroca na may 12 puntos at pitong assists.

Ipinoste ng Star ang 82-66 bentahe mula sa tira ni Allein Maliksi mahigit limang minutong natitira sa laban ngunit gumanti ang tandem nina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand ng 14-5 run para sa Ginebra upang putulin ang lamang ng Star sa pito, 80-87,  2:20 minuto pa ang nalalabi sa orasan.

Subalit hindi na nagawa pang makaiskor muli ng Kings mula sa puntong iyon dahil sa matinding depensa ng Hotshots.

Muling magkakasubukan ang magkaribal na koponan sa Game 6 sa Linggo kung saan hangad ng Star na tapusin na ang klasikong serye habang pipilitin naman ng Ginebra na makabawi at makapwersa ng do-or-die Game 7.

 

Read more...